Job 29

1Nagpatuloy sa pagsasalita si Job,

2“Kung maibabalik ko lang sana ang mga nagdaang araw noong kinakalinga pa ako ng Diyos,

3noong tinatanglawan pa niya ang aking daan habang lumalakad ako sa kadiliman.

4Noong akoʼy nasa mabuti pang kalagayan, ang Diyos ay matalik kong kaibigan, at pinagpapala niya ang aking sambahayan.

5Pinapatnubayan pa ako noon ng Makapangyarihan, at magkakasama pa kami ng aking mga anak.

6Ang mga baka ko nooʼy nagbibigay sa akin ng maraming gatas at mula sa mga tanim kong olibo ay umaani ako ng napakaraming langis.

7“Kapag pumupunta ako sa pintuang-bayan at sumasama sa mga pinuno ng lungsod sa tuwing may pagpupulong sila,

8tumatabi ang mga kabataang lalaki kapag akoʼy nakita nila, at ang matatandaʼy tumitindig.

9Ang mga pinunoʼy hindi nakaimik at tinakpan nila ang kanilang mga bibig.

10Ang mga boses ng maharlika ay natatahimik at parang ang kanilang mga dila ay sa ngala-ngala nadidikit.

11Pinupuri ako ng mga taong nanonood o nakikinig sa aking pagsasalita.

12Sapagkat tinutulungan ko ang mga dukhang humihingi ng tulong at mga ulilang walang malapitan.

13Dahil silaʼy aking tinulungan, ako ay binasbasan ng mga nawawalan ng pag-asa, at ang puso ng mga biyuda ay umawit sa kagalakan.

14Palagi kong ginagawa ang tama at matuwid; upang itong damit at turban na aking isinusuot.

15Naging parang mata ako sa taong bulag at paa sa pilay.

16Naging parang ama ako sa mga dukha, at kahit ang mga dayuhan ay tinulungan ko sa kanilang mga suliranin.

17Winasak ko ang kapangyarihan ng masasamang tao at iniligtas ko ang mga biktima nila.

18“Ang akala koʼy hahaba pa ang buhay ko, at mamamatay na kasama ang aking sambahayan.

19Sapagkat ang katulad koʼy isang punongkahoy na ang ugat ay umaabot sa tubig, at magdamag na nahahamugan ang aking mga sanga.

20Ang dangal koʼy hindi mawawala. Ang lakas koʼy hindi nababawasan.

21“Kapag nagpapayo ako, tumatahimik ang mga tao at nakikinig nang mabuti.

22Pagkatapos kong magsalita, hindi na sila kumikibo dahil nasisiyahan na sila sa mga sinabi ko.

23Pinanabikan nila ang mga sasabihin ko tulad ng pananabik nila sa pagdating ng ulan. Gusto talaga nila akong mapakinggan.

24Halos hindi sila makapaniwala kapag ngumiti ako, dahil ang masayang mukha koʼy nagpapalakas sa kanila.

25Tulad ng isang pinuno, tinuturuan ko sila kung ano ang dapat gawin. Pinamumunuan ko sila tulad ng haring namumuno sa kanyang mga kawal. At inaaliw ko sila kapag silaʼy nalulungkot.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.