2“Kung maibabalik ko lang sana ang mga nagdaang araw noong kinakalinga pa ako ng Diyos,
3noong tinatanglawan pa niya ang aking daan habang lumalakad ako sa kadiliman.
4Noong akoʼy nasa mabuti pang kalagayan, ang Diyos ay matalik kong kaibigan, at pinagpapala niya ang aking sambahayan.
5Pinapatnubayan pa ako noon ng Makapangyarihan, at magkakasama pa kami ng aking mga anak.
6Ang mga baka ko nooʼy nagbibigay sa akin ng maraming gatas at mula sa mga tanim kong olibo ay umaani ako ng napakaraming langis.