7Kaya umalis si Satanas sa harapan ng Panginoon, at pinahirapan si Job ng mga pigsa mula ulo hanggang talampakan.
8Kumuha si Job ng basag na palayok at ginamit na pangkayod sa kanyang mga sugat habang nakaupo sa abo.
9Sinabi sa kanya ng asawa niya, “Ano, tapat ka pa rin ba sa iyong Diyos? Sumpain mo na siya at nang mamatay ka na!”
10Sumagot si Job, “Nagsasalita ka ng walang kabuluhan. Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Diyos at hindi ang masasamâ?” Sa kabila ng lahat ng nangyari kay Job ay hindi siya nagkasala kahit sa pananalita.
11Nabalitaan ng tatlo sa mga kaibigan ni Job ang masamang nangyari sa kanya. Itoʼy sina Elifaz na taga-Teman, si Bildad na taga-Shua, at si Zofar na taga-Naama. Nagkasundo silang tatlo na dalawin si Job upang damayan siya at aliwin.