Isaias 18

1Nakakaawa ang mga lugar malapit sa mga ilog ng Etiopia, na may mga pagaspas ng pakpak ng mga kulisap na naririnig.

2Mula sa lugar na ito ay may mga sugong nakasakay sa mga bangkang yari sa tambo at dumadaan sa Ilog Nilo. Humayo kayo, mabibilis na sugo, Dalhin ninyo ang mensahe sa mga mamamayang matatangkad at makikinis ang balat, sa mga taong kinatatakutan kahit saan, dahil sa kanilang pananakop at paninira, at nakatira sa lupaing dinadaanan ng mga ilog.

3Kayong lahat ng naninirahan sa mundo, at naninirahan sa lupa, abangan ninyo ang pagtaas ng bandila sa ibabaw ng bundok, at pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta.

4Sapagkat ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Mula sa aking luklukan, panatag akong nagmamasid na parang nagniningning na araw sa tanghaling tapat, at parang namumuong ambon sa maalinsangang gabi sa panahon ng anihan.”

5Bago pa dumating ang panahon ng pag-ani, sa panahon pa lang ng pamumulaklak ng mga ubas at unti-unting paghinog ng mga bunga nito, puputulin na ng Diyos ang mga sanga nito gamit ang karit.

6Ang mga bangkay nila ay ipapaubaya sa ibong mandaragit at mababangis na hayop. Magiging pagkain sila ng mga ibon sa panahon ng tag-araw at ng mababangis na hayop sa panahon ng taglamig.

7Ngunit darating ang araw na tatanggap ang Panginoon ng mga Hukbo ng mga handog mula sa lupaing dinadaanan ng mga ilog. Ang mga mamamayan nitoʼy matatangkad, makikinis ang balat, makapangyarihan, at kinatatakutan kahit saan. Dadalhin nila ang kanilang mga regalo sa Bundok ng Zion, kung saan sinasamba ang Panginoon ng mga Hukbo.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.