Isaias 14

1Kaaawaan ng Panginoon muli ang sambahayan ni Jacob at muling pipiliin ang bayang Israel. Muli niyang patitirahin ang mga ito sa sarili nilang lupain. Mayroon ding mga dayuhang makikisama sa kanila at maninirahang kasama ang mga lahi ni Jacob.

2Tutulungan ng ibang bansa ang Israel para makabalik sila sa lupaing ibinigay sa kanila. Ngunit sasakupin sila ng Israel at magiging alipin silang mga dayuhan sa lupain ng Panginoon Bibihagin nila ang mga bumihag sa kanila noon, at sasakupin nila ang mga umapi sa kanila.

3Sa araw na kayoʼy bibigyan ng ginhawa ng Panginoon sa inyong mga paghihirap, pagkabagabag, at mabigat na gawaing dahil sa inyong pagkaalipin,

4kukutyain ninyo ng ganito ang hari ng Babilonia: Ang mapang-aping hari ay bumagsak na! Tumigil na ang kanyang pang-aalipusta!

5Pinutol na ng Panginoon ang tungkod ng masasama, maging ang baston ng mga namamahala

6na kapag nagagalit, tao ang nagdurusa at kapag napopoot, inuusig ang mga bansa, at walang tigil ang pang-aalipusta.

7Ang mga kalupaaʼy panatag at payapa at magaawitan ang mga tao sa tuwa.

8Magagalak pati ang mga puno ng sipres at sedro sa Lebanon dahil sa nangyari sa hari. Para nilang sinasabi, “Ngayong wala ka na, wala nang puputol sa amin.”

9Nagkakagulo ang mga patay sa iyong pagdating at handang-handa na sila para ikaʼy salubungin. Ang kaluluwa ng mga dating makapangyarihan sa mundo ay nagkakagulo sa pagbati sa iyo. Tumatayo sa kanilang mga trono ang kaluluwa ng mga hari para salubungin ka.

10Sasagot silang lahat at sasabihin nila saʼyo, “Humina ka na rin pala katulad namin. Pare-pareho na tayo.”

11Ngayong patay ka na, wala ka nang kapangyarihan, at wala na rin ang mga tugtugan ng mga alpa upang ikaʼy parangalan. Uod na ang iyong higaan at sila rin ang kumot mo.

12Nahulog ka mula sa langit, ikaw na tinatawag na tala sa umaga. Ibinagsak ka sa lupa, ikaw na nagpasuko ng mga bansa.

13Sinabi mo sa iyong sarili, “Aakyat ako sa langit, at ilalagay ko ang aking trono sa itaas ng mga bituin ng Diyos. Uupo ako sa itaas ng bundok na pinagtitipunan ng mga diyos sa bandang hilaga.

14Aakyat ako sa itaas ng mga ulap, at magiging gaya ng Kataas-taasang Diyos.”

15Ngunit sa halip, dinala ka sa lugar ng mga patay, sa pinakamalalim na hukay.

16Tititigan kang mabuti ng mga patay at kanilang sasabihin, “Hindi baʼt ito ang taong sa buong mundoʼy kinatatakutan, at yumanig ng mga kaharian?

17Hindi baʼt siya ang nagwasak ng mga lungsod, ginawang parang ilang ang buong mundo, at hindi nagpalaya sa kanyang mga bihag?”

18Ang lahat ng hari sa mundo ay marangal na nakahimlay sa sarili nilang libingan.

19Ngunit ikaw naman ay itatapon na parang sanga na walang silbi. Tatambakan ka ng mga bangkay ng mga sundalong namatay sa digmaan. Ihuhulog ka sa hukay kasama nila at ikaʼy tatambakan ng mga bato. Matutulad ka sa bangkay na tinatapak-tapakan ng mga tao.

20Hindi ka ililibing na katulad ng ibang hari, dahil winasak mo ang iyong sariling bansa at pinatay ang iyong mga mamamayan. Walang matitira sa iyong masamang lahi at hindi na babanggitin pang muli.

21Ihanda na ang lugar kung saan papatayin ang kanyang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang mga ninuno. Hindi na sila dapat magmamana ng mga lupain ni magtayo ng mga lungsod sa buong mundo.

22Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, “Lulusubin ko at wawasakin ang Babilonia. Wala akong ititirang buhay sa lugar na ito. Walang matitira sa kanilang mga lahi.”

23Gagawin ko itong tirahan ng mga kuwago, at ilang na may maraming latian, at gigibain ko na parang winalisan. Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ang nagsasabi nito.

24Nanumpa ang Panginoon ng mga Hukbo at sinabi, “Mangyayari ang plano ko; matutupad ang desisyon ko.

25Lilipulin ko ang mga taga-Asiria sa lupain ng Israel. Dudurugin ko sila sa aking mga bundok. Hindi na nila maaaring alipinin ang aking mga mamamayan.”

26Ito ang binabalak kong gawin sa buong mundo. Ganito ang parusang ipapakita ko sa lahat ng bansa.

27Sino ang makakapagbago ng plano ng Panginoon ng mga Hukbo? Sino ang makakapigil sa kanyang pagpaparusa?

28Ang pahayag na ito ay natanggap noong namatay si Haring Ahaz:

29Mga Filisteo, huwag muna kayong magdiwang sa pagkabali ng tungkod na pumapalo sa inyo. Sapagkat manggagaling sa ahas na ito ang isang ulupong; mas makamandag at tila lumilipad na uri ang papalit sa kanya.

30Ang mga mahihirap kong mamamayan ay aking pakakainin at bibigyan ng kapahingahan nang walang anumang kinatatakutan. Ngunit pababayaan kong mamatay sa gutom ang mga lahi mo, at ang matitira sa kanila ay pupuksain ko.

31Umiyak kayo nang malakas, kayong mga mamamayan ng mga bayan ng Filistia. Sapagkat sasalakay sa inyo ang inyong mga kaaway na parang usok mula sa hilaga at silang lahat ay pawang matatapang.

32Ano ang isasagot natin sa mga sugo ng bansang iyon? Sabihin natin sa kanila na ang Panginoon ang nagtayo ng Zion, at dito manganganlong ang nahihirapan niyang mga mamamayan.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.