Isaias 2

1Ito ang pangitaing nakita ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem:

2Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamataas sa lahat ng mga bundok. Ito rin ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok. Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa.

3Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa Templo ng Diyos ni Jacob. Ituturo niya sa atin ang kanyang pamamaraan upang lumakad tayo sa kanyang mga daan.” Manggagaling sa Zion ang kautusan Panginoon, ang kanyang salita ay lalaganap mula sa Jerusalem.

4Pagkakasunduin ng Panginoon ang maraming bansa. Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa. Hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan. Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at karit na pantabas ang kanilang mga sibat.

5Halikayo, mga lahi ni Jacob, mamuhay tayo sa katotohanan, na ibinigay sa atin ng Panginoon.

6Totoong itinakwil nʼyo, Panginoon, ang mga mamamayan ninyo, ang lahi ni Jacob, dahil naniniwala kayo sa mga pamahiing mula sa silangan at sa mga manghuhula, gaya ng mga Filisteo. Sinusunod ninyo ang pag-uugali ng mga dayuhan.

7Ang kanilang lupain ay napakasagana sa pilak at ginto, at hindi nauubos ang kanilang kayamanan. Napakaraming kabayo sa kanilang lupain, at hindi mabilang ang mga karwahe nila.

8Marami silang diyos-diyosan, at sinasamba nila ang mga bagay na ito na sila mismo ang gumawa.

9Kaya ang bawat isa sa kanilaʼy ibabagsak, lahat silaʼy mapapahiya. Huwag nʼyo silang patatawarin.

10Tumakas kayo papunta sa mga kuweba at mga hukay upang magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan.

11At ang mga mayayabang ay mapapahiya, ang mga mapagmataas na taoʼy ibababa. Ang itataas sa araw na iyon ay tanging ang Panginoon lamang.

12Sapagkat itinakda ng Panginoon ng mga Hukbo ang araw kung kailan niya ibabagsak ang mga mayayabang at mapagmataas, at ang mga nag-aakalang silaʼy makapangyarihan.

13Puputulin niya ang lahat ng matataas na puno ng sedro sa Lebanon at ang lahat ng puno ng ensina sa Bashan.

14Papantayin niya ang lahat ng matataas na bundok at burol,

15at wawasakin ang lahat ng matataas na tore at pader.

16Palulubugin niya ang lahat ng barko ng Tarsis at ang mga naggagandahang sasakyang pandagat.

17Ibabagsak nga niya ang mayayabang at ang mga mapagmataas ay ibababa niya. Tanging ang Panginoon ang maitataas sa araw na iyon.

18At tuluyan nang mawawala ang mga diyos-diyosan.

19Kapag niyanig na niya ang mundo, tatakas ang mga tao papunta sa mga kuweba sa burol at sa mga hukay sa lupa magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan.

20Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at mga paniki ang mga diyos-diyosan nilang pilak at ginto na ginawa nila para sambahin.

21Tatakas nga sila papunta sa mga kuweba sa burol at sa malalaking bato para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan kapag niyanig na niya ang mundo.

22Huwag kayong magtitiwala sa tao. Mamamatay lang din sila. Ano ba ang magagawa nila?

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.