1Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran dahil malapit ko na kayong iligtas.
2Mapalad ang mga taong gumagawa nito, ang taong nagpapanatili nito, Mapalad silang mga sumusunod sa mga ipinapagawa ko sa Araw ng Pamamahinga at hindi nilalapastangan ito. Mapalad din ang taong hindi gumagawa ng masama.”
3Huwag isipin ng mga dayuhang nag-alay ng kanilang sarili sa Panginoon na hindi sila ibibilang ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan. Huwag ding isipin ng mga opisyal na nagpakapon na dahil hindi na sila magkakaanak, ay hindi sila maaaring ibilang sa mga mamamayan ng Diyos.
4Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Pagpapalain ko ang mga opisyal nagpakapon na sumusunod sa mga ipinapagawa ko sa Araw ng Pamamahinga at gumagawa ng mga bagay na nakakalugod sa akin, at tumutupad sa aking kasunduan.
5Papayagan ko silang makapasok sa aking Templo at pararangalan ko sila nang higit pa sa karangalang ibibigay sa kanila kung silaʼy nagkaanak. At hindi sila makakalimutan ng mga tao magpakailanman.
6Pagpapalain ko rin ang mga dayuhang nag-alay ng sarili nila sa Panginoon para paglingkuran ako, mahalin, sambahin, at sundin ang aking ipinapagawa sa Araw ng Pamamahinga, hindi ito nilalapastangan, at tumutupad sa aking kasunduan.
7Dadalhin ko sila sa aking banal na bundok at aaliwin doon sa aking templong dalanginan. Tatanggapin ko sa aking altar ang kanilang mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, sapagkat ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan ng mga tao mula sa lahat ng bansa.”
8Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon na nagtipon sa mga Israelitang nabihag, “Titipunin ko pa ang iba, maliban doon sa mga natipon ko na.”
9Lumapit kayo at lipulin sila, kayong lahat ng mga bansa na tulad ng mababangis na hayop.
10Sapagkat ang mga pinuno ng Israel, silang mga tagapagbantay at mga pastol, ay parang mga bulag at mga walang nalalaman. Para silang mga asong hindi tumatahol. Ang gusto nilaʼy mahiga, matulog, at managinip.
11Para silang mga asong matatakaw na walang kabusugan. Ang mga tagapag-alaga ng Israel ay walang pang-unawa. Ang bawat isa sa kanilaʼy gumagawa ng kahit anong gusto nila, at ang pansariling kapakanan lang ang kanilang pinagkakaabalahan.
12Sinabi pa nila, “Halikayo, kumuha tayo ng inumin at maglasing! Ang bukas ay tulad lang din ng sa ngayon, o di kayaʼy mas mabuti pa.”