Isaias 51

1“Makinig kayo sa akin, kayong mga nagsusumikap na maging matuwid at sumunod sa akin. Isipin ninyo ang bato kung saan kayo pinutol, ang minahang pinaghukayan sa inyo.

2Alalahanin ninyo sina Abraham na inyong ama, at si Sara na nagsilang sa inyo Noong tinawag ko si Abraham, nag-iisa siya, ngunit pinagpala ko siya at pinarami ang kanyang lahi.

3Aaliwin ko ang Jerusalem at kahahabagan ko ang pagkawasak nito. Ang mga disyerto nito ay gagawin kong parang halamanan ng Eden. Maghahari sa Jerusalem ang kagalakan, pasasalamat at pag-aawitan.

4“Mga mamamayan ko, makinig kayo sa akin. O aking bayan, akoʼy inyong dinggin: Ibibigay ko ang aking kautusan at magsisilbi itong ilaw sa mga bansa.

5Malapit ko na kayong bigyan ng tagumpay. Hindi magtatagal at ililigtas ko na kayo. Ako ang mamamahala sa mga bansa. Ang mga nasa malalayong lugar ay maghihintay sa akin at maghahangad ng aking kapangyarihan.

6Tumingin kayo sa langit; pagmasdan ninyo ang lupa. Mawawala ang langit na parang usok, masisira ang lupa na parang damit, at mamamatay ang mga mamamayan nito na parang mga kulisap. Ngunit ang kaligtasan koʼy mananatili magpakailanman. Ang katarungan koʼy walang hanggan.

7“Makinig kayo sa akin, kayong mga nakakaalam kung ano ang tama at sumusunod sa aking kautusan! Huwag kayong matatakot sa mga panghihiya at pangungutya ng mga tao sa inyo.

8Sapagkat matutulad sila sa damit na nginatngat ng mga kulisap. Ngunit ang aking katuwiran ay mananatili magpakailanman. Ang kaligtasan koʼy magpapatuloy sa mga salinlahi.”

9Sige na, Panginoon, tulungan nʼyo na po kami. Gamitin nʼyo na ang inyong kapangyarihan sa pagliligtas sa amin. Tulungan nʼyo kami katulad ng ginawa nʼyo noon. Hindi baʼt kayo ang tumadtad sa dragon na si Rahab?

10Hindi baʼt kayo po ang nagpatuyo ng dagat, ang tubig na mula pa sa kailaliman gumawa ng daan sa gitna nito upang makatawid ang inyong mga mamamayang iniligtas ninyo mula sa Ehipto?

11Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik sa Zion na nag-aawitan at may kagalakan magpawalang hanggan. Mapapawi na ang kanilang mga kalungkutan, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan.

12“Ako ang nagpapalakas at nagpapaligaya sa inyo. Kaya bakit kayo matatakot sa mga taong katulad ninyo na mamamatay din lang na parang damo?

13Ngunit kinalimutan ninyo ang Panginoon, ang inyong Manlilikha. Siya ang naglatag langit at naglagay ng pundasyon ng mundo. Bakit nabubuhay kayong natatakot sa galit ng mga umaapi at gustong lumipol sa inyo? Ang kanilang galit ay hindi makakapinsala sa inyo.

14Hindi magtatagal at ang mga bihag ay palalayain. Hindi sila mamamatay sa kanilang piitan at hindi rin sila mawawalan ng pagkain.

15Sapagkat ako ang Panginoon na inyong Diyos. Kapag kinalawkaw ko ang dagat ay umuugong ang mga alon. Panginoon ng mga Hukbo ang aking pangalan.

16Itinuro ko sa inyo ang ipinasasabi ko, at ipinagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ako ang naglagay ng langit at ng pundasyon ng mundo, at ako ang nagsabi sa Zion, ‘Ikaw ang aking mamamayan.’ ”

17Jerusalem, bumangon ka! Ang galit ng Panginoon ay parang alak na ininom mong lahat hanggang sa ikaw ay magpasuray-suray sa kalasingan.

18Wala ni isa man sa iyong mga tauhan ang aalalay sa iyo; wala ni isa man sa kanila ang tutulong sa iyo.

19Dalawang sakuna ang nangyari sa iyo: Nawasak ka dahil sa digmaan, at nagtiis ng gutom ang iyong mga mamamayan. Walang naiwan sa mga mamamayan mo, na lilingap at aaliw sa iyo.

20Nanlulupaypay sila at nakahandusay sa mga lansangan. Para silang mga usa na nahuli sa bitag. Dumanas sila ng matinding galit ng Panginoon; sinaway sila ng iyong Diyos.

21Kaya pakinggan ninyo ito, kayong mga nasa matinding hirap at nalasing ng hindi dahil sa alak.

22Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon na kumakalinga sa inyo: “Makinig kayo! Inalis ko na ang aking galit na parang alak na nakapagpalasing sa inyo. Hindi ko na kayo paiinuming muli nito.

23Ibibigay ko ito sa mga nagpahirap sa inyo, sa mga nag-utos sa inyo na dumapa para tapakan nila kayo. Tinapakan nila ang inyong mga likod na para bang dumadaan sila sa lansangan.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.