Isaias 43

1Ngunit ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel: “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, at ikaw ay akin.

2Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka sa mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at sa ningas nitoʼy hindi ka magliliyab.

3Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel, na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko ang Ehipto bilang pantubos sa iyo, ang Etiopia, at ang Seba bilang kapalit mo.

4Ibibigay ko ang ibang mga tao bilang kapalit mo, dahil ikaw ay marangal at mahalaga sa aking paningin, at dahil mahal kita.

5Huwag kang matatakot sapagkat kasama mo ako. Titipunin ko ang iyong mga lahi mula sa silangan hanggang sa kanluran.

6Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga, ‘Ibalik ninyo sila,’ at sa timog, ‘Huwag ninyo silang pigilan.’ Hayaan ninyong bumalik ang aking mga mamamayan mula sa malayo, at umuwi mula sa kasuluk-sulukan ng mundo.

7Sila ang mga taong aking tinawag. Nilikha ko sila para sa aking karangalan.”

8Tawagin mo ang aking mga mamamayan na may mga mata, ngunit hindi makakita; may mga tainga, ngunit hindi makarinig.

9Tawagin mo ang lahat ng mamamayan ng mga bansa. Sino sa mga diyos-diyosan nila ang makakahula tungkol sa hinaharap? Sino sa kanila ang makapagsasabi tungkol sa mga nangyayari ngayon? Isama nila ang kanilang mga saksi upang patunayan ang kanilang sinasabi, upang ang mga makakarinig ay makapagsasabing, “Totoo nga.”

10“Kayo ang aking mga saksi,” wika ng Panginoon. “Pinili ko kayong maging mga lingkod ko, upang makilala ninyo ako at magtiwala kayo sa akin, at maunawaan ninyo na ako lamang ang Diyos. Walang ibang Diyos na nauna sa akin, at wala ring Diyos na susunod pa sa akin.

11Ako lamang ang Panginoon at maliban sa akin ay wala nang iba pang Tagapagligtas.

12Nagpahayag ako na ililigtas ko kayo, at tinupad ko nga ito. Walang ibang Diyos na gumawa nito sa inyo, kayo ang mga saksi ko.” Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang Diyos.

13Mula pa noon ako na ang Diyos. Walang makakatakas sa aking mga kamay. Walang makakapagbago ng mga ginagawa ko.”

14Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Tagapagligtas, ang Banal na Diyos ng Israel, “Para maligtas kayo, ipapasalakay ko ang Babilonia sa mga sundalo ng isang bansa, at tatakas sila sa pamamagitan ng mga barkong kanilang ipinagmamalaki.

15Ako ang Panginoon, ang inyong Banal na Diyos, ang lumikha sa Israel, ang inyong Hari.

16“Ako ang Panginoon na gumawa ng daan sa dagat, ng landas sa gitna ng mabagsik na alon.

17Tinipon ko ang mga karwahe at mga kabayo, at ang buong hukbo ng Ehipto. Doon sila natumba at hindi na muling babangon pa. Para silang ilaw na namatay, napawi ang kanilang buhay.

18Ngunit huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan,

19dahil bagong bagay na ang gagawin ko. Itoʼy nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa ako ng daan at mga bukal sa disyerto.

20Pararangalan ako ng maiilap na hayop, pati na ng mga asong-gubat at mga kuwago, dahil maglalagay ako ng mga bukal sa disyerto para may mainom ang mga pinili kong mamamayan.

21Sila ang mga taong aking nilikha para sa akin at upang magpuri sa akin.

22“Ngunit hindi mo ako tinawag, Jacob; nagsawa ka na sa akin, Israel.

23Hindi ka na nag-aalay sa akin ng mga tupang handog na sinusunog. Hindi mo na ako pinararangalan ng iyong mga handog kahit na hindi kita pinahirapan o pinagod sa paghingi ng mga handog na regalo at mga insenso.

24Hindi mo ako ibinili ng mga insenso o pinagsawa sa mga taba ng hayop na iyong mga handog. Sa halip, pinahirapan mo ako at pinagod sa iyong mga kasalanan.

25“Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa aking karangalan, at hindi ko na iyon aalalahanin pa.

26Isipin natin ang mga nakaraan. Magharap tayo. Patunayan mong wala kang kasalanan.

27Nagkasala sa akin ang mga ninuno mo, at nagrebelde sa akin ang iyong mga pinuno.

28Kaya inilagay ko sa kahihiyan ang iyong mga opisyal, at ikaw, Israel, ay ipinaubaya ko sa kapahamakan at kahihiyan.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.