1Sinabi ng Diyos, “Palakasin at pagaanin ninyo ang loob ng aking mga mamamayan.
2Magsalita kayo nang mahinahon sa mga taga-Jerusalem. Sabihin ninyo sa kanila na tapos na ang paghihirap nila, at pinatawad na ang kanilang mga kasalanan. Sapagkat pinarusahan sila ng Panginoon nang husto sa lahat ng kasalanan nila.”
3May sumisigaw na nagsasabi, “Ihanda ninyo ang daan sa ilang para sa Panginoon; tuwirin ninyo ang landas sa disyerto para sa ating Diyos.
4Tambakan ninyo ang mga mababang lugar, patagin ang mga bundok at burol, at pantayin ang mga baku-bakong daan.
5Mahahayag ang kaluwalhatian ng Panginoon, at makikita ito ng lahat ng tao. Mangyayari nga ito sapagkat ang Panginoon ang nagsasabi nito.”
6May nagsabi sa akin, “Mangaral ka!” Ang tanong ko naman, “Anong ipapangaral ko?” Sinabi niya, “Ipangaral mo na ang lahat ng tao ay parang damo, ang kanilang katanyagan ay parang mga bulaklak nito.
7Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag kapag hinipan ng hanging mula sa Panginoon.
8Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag, ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”
9Kayong mga nagdadala ng magandang balita sa Zion, umakyat kayo sa mataas na bundok. Isigaw ninyo ang magandang balita sa Jerusalem. Lakasan ninyo, huwag kayong matakot. Sabihin ninyo sa mga bayan ng Juda, “Nandito na ang inyong Diyos.”
10Tingnan ninyo, ang Makapangyarihang Panginoon ay dumarating upang ipamalas ang kanyang lakas, at mamumuno siya na may kapangyarihan. Paparating siyang dala ang kanyang natamo, ang kanyang gantimpala ay naglalakad sa kanyang harapan.
11Aalagaan niya ang kanyang mga mamamayan gaya ng pastol na nag-aalaga ng kanyang kawan. Kinakarga niya ang maliliit na tupa at maingat niyang pinapatnubayan ang mga inahing tupa.
12Sino ang makakatakal ng tubig sa dagat gamit ang kanyang palad, o makakasukat ng langit gamit ang kanyang kamay? Sinong makakapaglagay ng alikabok sa isang lalagyan, o makakapagtimbang ng mga bundok at mga burol?
13Sino ang makapagsasabi ng nasa isip ng Panginoon, o makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin?
14Kanino siya sumasangguni para maliwanagan, at sino ang nagturo sa kanya ng tamang pagpapasya? Sino ang nagturo sa kanya ng kaalaman, o nagpaliwanag sa kanya para kanyang maunawaan? Wala!
15Para sa Panginoon, ang mga bansa ay para lamang isang patak ng tubig sa timba o alikabok sa timbangan. Sa Diyos, ang mga pulo ay parang kasinggaan lamang ng alikabok.
16Ang mga hayop sa Lebanon ay hindi sapat na ihandog sa kanya at ang mga kahoy doon ay kulang pang panggatong sa mga handog.
17Ang lahat ng bansa ay balewala kung ihahambing sa kanya. At para sa kanya walang halaga ang mga bansa.
18Kaya kanino ninyo maihahambing ang Diyos? O saan ninyo siya maitutulad?
19Maitutulad nʼyo ba siya sa mga diyos-diyosang inukit ng tao at binalutan ng ginto ng platero at pagkatapos ay nilagyan ng mga palamuting pilak na kuwintas?
20O sa matitigas na rebultong kahoy na hindi basta nabubulok, na ipinagawa ng taong dukha bilang handog? Ipinagawa niya ito sa magaling umukit para hindi bumuwal.
21Hindi nʼyo ba alam o hindi ba ninyo napakinggan? Wala bang nagbalita sa inyo kung paano nilikha ang mundo?
22Nilikha ito ng Diyos na nakaupo sa kanyang trono sa ibabaw ng mundo. Sa paningin niya, ang mga tao sa ibaba ay parang mga tipaklong lamang. Iniladlad niya ang langit na parang kurtina, o parang isang tolda upang matirhan.
23Inaalis niya sa kapangyarihan ang mga pinuno ng mundo at ginagawang silang walang kuwenta.
24Para silang mga tanim na bagong hasik sa lupa at halos hindi pa nagkakaugat. Hinihipan sila ng Panginoon at biglang nalalanta at tinatangay ng buhawi na parang ipa.
25Sinabi ng Banal na Diyos, “Kanino ninyo ako ihahalintulad? Mayroon ba akong kapantay?”
26Tumingala kayo at tumingin sa langit! Sino ang lumikha sa lahat nang inyong nakikita? Siya na nagpalabas ng mga bituin ayon sa kanilang bilang at isa-isa silang tinatawag ayon sa kanilang pangalan. At dahil sa kapangyarihan at lakas niyang dakila, ni isa man sa kanila ay walang nawawala.
27Kayong lahi ni Jacob, bakit kayo nagrereklamo? Kayong mga mamamayan ng Israel, paano ninyo nasasabi ito: “Ang landas namiʼy nakatago sa Panginoon; hindi niya pinapansin ang aming karapatan”?
28Hindi nʼyo ba alam? Hindi nʼyo ba narinig? Ang Panginoon ang walang hanggang Diyos na lumikha hanggang sa dulo ng mundo. Hindi siya napapagod o nanghihina at walang nakakaarok ng kanyang pang-unawa.
29Pinalalakas niya ang mga napapagod at ang mga nanghihina.
30Kahit ang mga kabataan ay napapagod, nanlulupaypay at nabubuwal,
31ngunit ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay muling magkakaroon ng lakas. Lilipad silang gaya ng isang agila. Tumakbo man sila ay hindi mapapagod. Lumakad man sila ay hindi manghihina.