Isaias 41

1“Kayong mga nasa baybayin, tumahimik kayo at makinig sa akin. Kumuha kayo ng panibagong lakas, kayong mga bansa. Lumapit kayo sa akin at kayoʼy magsalita. Magtipon-tipon tayo at hatulan natin ito.

2Sino ang nagpadala ng isang tao mula sa silangan at nagbigay sa kanya ng tagumpay sa pakikipaglaban, saan man siya pumunta? Sino ang nagpasakop sa kanya ng mga hari at mga bansa? Winasak niya ang mga bansa at pinatay ang mga hari nito sa pamamagitan ng espada at pana. At ang mga itoʼy naging parang mga alikabok na tinangay ng hangin.

3Hinabol niya sila at walang humarang sa kanya kahit sa mga lugar na hindi pa niya napupuntahan.

4Sino ang gumawa ng lahat ng ito? Sino ang nagpanukala ng lahat ng mga mangyayari mula pa noong unang henerasyon? Hindi baʼt ako? Akong Panginoon ay naroon noong sinimulan ang mundo, at naroroon din ako hanggang sa katapusan nito.

5“Nakita ng mga tao sa malalayong lugar ang aking mga gawa, at nanginig sila sa takot. Nagtipon sila,

6at ang bawat isa ay nagtulungan at nagpalakas sa isaʼt isa.

7Ang mga karpintero, platero, at ang iba pang mga manggagawa na gumagawa ng mga diyos-diyosan ay nagpalakas sa isaʼt isa na nagsasabi, ‘Maganda ang pagkakagawa natin.’ Pagkatapos, ipinako nila ang ginawa nilang rebulto sa lalagyan nito para hindi ito mabuwal.

8“Ngunit ikaw, Israel, na aking lingkod at ikaw, Jacob, na pinili ko, mula sa lahi ni Abraham na aking kaibigan,

9tinawag kita at kinuha mula sa pinakamalayong dako ng mundo. Sinabi ko, ‘Ikaw ay aking lingkod.’ Pinili kita at hindi itinakwil.

10Huwag kang mangamba, sapagkat kasama mo ako; huwag kang malungkot, sapagkat ako ang iyong Diyos. Palalakasin kita at tutulungan. Aalalayan kita sa pamamagitan ng kamay kong nagliligtas.

11“Ang lahat ng nagagalit sa iyo ay tiyak na mapapahiya nang husto. Ang mga lumalaban sa iyo ay mapapahamak at maglalaho.

12At kahit hanapin mo ang iyong mga kaaway hindi mo na sila matatagpuan. Silang mga kumakalaban sa iyo ay magiging walang kabuluhan.

13Sapagkat ako ang Panginoon na iyong Diyos. Ako ang nagpapalakas sa iyo at nagsasabing huwag kang matatakot dahil tutulungan kita.

14Kahit na maliit ka at mahina, huwag kang matatakot dahil ako mismo ang tutulong sa iyo,” sabi ng Panginoon, ang iyong Tagapagligtas, ang Nag-iisang Banal ng Israel.

15“Makinig ka! Gagawin kitang parang bagong panggiik, matalim at maraming ngipin. Gigiikin mo at dudurugin ang mga bundok at burol. Gagawin mo ito na parang ipa.

16Tatahipan mo sila at tatangayin sila ng hangin; ikakalat sila ng malakas na hangin. Ngunit ikaw ay magagalak sa Panginoon; magpupuri ka sa Banal na Diyos ng Israel.

17“Kapag nangangailangan ng tubig ang mga mamamayan kong dukha, at wala silang matagpuan, at kapag natutuyo na ang mga lalamunan nila sa uhaw, akong Panginoon ang tutulong sa kanila. Ako na Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.

18Paaagusin ko ang tubig sa batis, dadaloy ito sa mga tuyong burol at magkakaroon ng mga bukal sa mga lambak. Gagawin kong tubigan ang ilang at ang mga lupang tigang ay magkakaroon ng mga bukal.

19Patutubuin ko sa ilang ang mga puno ng sedro, akasya, mirto, olibo, pino, enebro, at sipres,

20upang makita, malaman, at maunawaan ng mga tao na ang lumikha nito ay ako, ang Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel.”

21Sinabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel, sa mga diyos-diyosan, “Sige, magreklamo kayo at mangatuwiran!

22Lumapit kayo at sabihin sa amin kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Sabihin ninyo sa amin ang inyong mga sinabi noon na mangyayari para malaman namin kung nangyari nga ito.

23Sabihin ninyo sa amin kung ano ang mangyayari sa hinaharap para malaman namin na kayo ngaʼy mga diyos. Gumawa kayo ng mabuti o ng masama para kami ay magtaka at matakot sa inyo.

24Ngunit ang totoo, wala kayong silbi at wala kayong magagawa. Kasuklam-suklam ang mga taong pumili sa inyo para kayo ay sambahin.

25Pinili ko ang taong mula sa hilaga para mamahala. Dumudulog siya sa akin, at ngayon ay darating siya mula sa silangan. Wawasakin niya ang mga namamahala katulad ng pagyapak ng magpapalayok sa putik na gagawin niyang palayok.

26Sino sa inyo ang nakahula noong una pa na mangyayari ito para malaman namin at nang masabi naming tama siya? Ni isa man lang sa inyoʼy walang nagsabi, at walang nakarinig na mayroon kayong sinabi.

27Ako ang nagsabi nito noon sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Nagpadala ako ng isang mensahero para ibalita ang magandang balita na nariyan na ang tutulong sa kanila.

28Wala akong nakita kahit tumingin ako. Wala sa mga diyos-diyosan ang makapagpapayo. Ni isa sa kanilaʼy hindi makasagot sa aking mga tanong.

29Lahat ng mga diyos-diyosan ay walang kabuluhan, at walang magagawang anuman. Para silang lalagyan na puro hangin ang laman.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.