1Ito ang pahayag tungkol sa Babilonia na ipinakita kay Isaias na anak ni Amoz:
2Magtaas kayo ng isang bandila roon sa tuktok ng burol na walang tanim. Pagkatapos, sumigaw kayo nang malakas sa mga sundalo at senyasan ninyo silang pasukin ang lungsod ng mga kilala at makapangyarihang
3Inutusan ko na ang mga itinalaga kong sundalo na magpaparusa sa mga taong kinapopootan ko. Ang mga sundalo na itoʼy natutuwa at umaasang isasagawa ko ang parusang ito.
4Pakinggan nʼyo ang ingay sa mga bundok na tulad ng napakaraming tao! Pakinggan nʼyo ang ingay ng mga kaharian na tulad ng mga bansang nagtitipon. Tinitipon ng Panginoon ng mga Hukbo ang mga sundalo para sa digmaan.
5Nanggaling sila sa malalayong lugar, mula sa dulo ng daigdig. Ang Panginoon at ang mga sandata niya ay parating upang wasakin ang buong lupain.
6Tumangis kayo, dahil malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon, ang araw ng pagwawasak ng Diyos na Makapangyarihan.
7Sa araw na iyon, manlulupaypay ang lahat ng tao. Ang bawat pusoʼy masisiraan ng loob,
8at manginginig sa takot. Madadama nila ang labis na paghihirap katulad ng paghihirap ng isang babaeng nanganganak. Magtitinginan sila nang may matinding takot at mamumula ang kanilang mga mukha sa kahihiyan.
9Makinig kayo! Darating na ang araw ng paghatol ng Panginoon, ang araw ng kalupitan at matinding galit. Wawasakin ang lupain hanggang sa hindi na matirhan, at ang mga makasalanang naroon ay lilipulin.
10Ang mga bituin at mga konstelasyon nila sa kalangitan ay hindi na magniningning. Ang sumisikat na araw ay magdidilim at ang buwan ay hindi na magbibigay ng liwanag.
11Parurusahan ko ang mundo dahil sa kasamaan nito, at ang mga masasama dahil sa kanilang kasalanan. Wawakasan ko ang pagiging hambog ng mga mayayabang. Tatapakan ko ang angas ng mga taong malulupit.
12Gagawin kong mas kakaunti ang tao kaysa sa purong ginto, mas madalang pa kaysa sa ginto ng Ofir.
13Kayaʼt yayanigin ko ang langit at mauuga ang lupa sa kinalalagyan nito. Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo ay gagawin ito sa araw na aking ipapakita ang matindi kong galit.
14Ang mga dayuhan sa Babilonia ay tatakas at babalik sa sarili nilang bayan na parang mga usang hinahabol. Silaʼy parang mga tupang walang nagbabantay na babalik sa kani-kanilang bayan, tatakas patungo sa kani-kanilang mga lupain.
15Ang bawat mahuhuli ay sasaksakin, at ang ibaʼy mamatay sa pamamagitan ng espada.
16Ang kanilang mga sanggol ay luluray-lurayin sa kanilang harapan. Ang kanilang mga tahanaʼy sasamsaman ng mga ari-arian at ang kanilang mga asawaʼy gagahasain.
17Makinig kayo! Ipapalusob ko ang Babilonia sa mga taga-Media na sa pilak ay walang pakialam at sa ginto ay walang pagpapahalaga.
18Papatayin nila ang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng pana. Hindi sila maaawa sa mga sanggol pati na sa mga bata.
19Ang Babilonia, kahariang pinakamaganda sa lahat ng kaharian, itoʼy ipinagmamalaki ng kanyang mga mamamayan. Ngunit wawasakin ko ito katulad ng Sodoma at Gomora.
20At hindi na ito titirhan ninuman magpakailanman. Walang Arabong makapagtatayo roon ng kanyang tolda. At wala ring pastol na mag-aalaga roon ng kanyang mga tupa.
21Magiging tirahan na lamang ito ng mga hayop sa gubat. Titirhan ng mga kuwago ang kanilang mga bahay at ng iba pang mababangis na hayop, at lulukso-lukso roon ang mga kambing na maiilap.
22Aalulong sa kanilang mga tore at mga palasyo ang mga asong-gubat. Nalalapit na ang katapusan ng Babilonia; hindi na ito magtatagal.