1Ang mga taga-Moab na nagsitakas sa Sela, na isang bayan sa ilang ay nagpadala ng mga batang tupa bilang regalo sa hari ng Jerusalem.
2Ang mga babaeng taga-Moab na nasa tawiran ng Arnon ay parang mga ibong binulabog sa kanilang mga pugad.
3Sabi ng taga-Moab, “Payuhan ninyo kami, magpasya kayo kung ano ang dapat gawin. Liliman sana kami ng inyong anino mula sa init ng araw sa tanghaling-tapat. Ikubli ninyo kaming nagsitakas mula sa aming bayan; huwag ninyong isuko, kaming mga wala nang tahanan.
4Hayaan sana ninyong kami ay manatili sa inyong piling, at kamiʼy ipagtanggol sa mga gustong lumipol sa amin.” Matatapos ang pang-aapiʼt pang-aalipusta, ang pagwawasak ay titigil na, at ang mga yumuyurak ay tuluyan nang mawawala.
5Itatatag ang trono ng isang nagmumula sa lahi ni David. Siyaʼy mamumuno nang may pagmamahal at katapatan; isang hukom na makatarungan ang hatol, at maagap gawin kung ano ang matuwid.
6Nabalitaan naming masyadong mapagmalaki ang mga taga-Moab. Ang pagmamataas at kahambugan nila ay walang kabuluhan.
7Kaya iiyakan ng mga taga-Moab ang kanilang bansa. Iiyak silang lahat dahil sa pagkawala ng masasarap nilang pagkain sa Kir-hareset.
8Nasira ang mga bukid sa Hesbon pati na ang mga ubasan sa Sibma. Winasak ng mga pinuno ng mga bansa ang mga ubasan hanggang sa Jazer patungo sa disyerto at umabot pa hanggang sa Dagat na Patay.
9Kaya umiiyak ako tulad ng mga taga-Jazer, dahil sa ubasan ng Sibma. Iniiyakan ko ang Hesbon at Eleale dahil hindi na maririnig ang masasaya nilang hiyawan dahil sa masaganang ani.
10Naglaho ang kagalakan nila at kasayahan sa kanilang mga ubasan. Wala nang umaawit o humihiyaw sa mga ubasan. Wala na ring pumipisa ng ubas para gawing alak. Pinatigil na ng Panginoon ang kanilang hiyawan.
11Kaya nalulungkot ako sa sinapit ng Moab na katulad ng malungkot na tugtugin ng alpa. Nalulungkot din ako sa sinapit ng Kir-hareset.
12Mapapagod lang ang mga taga-Moab sa kababalik sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar. At wala ring kabuluhan ang kanilang pagpunta sa kanilang mga altar para manalangin.
13Iyon ang sinabi noon ng Panginoon tungkol sa Moab.
14At ngayon, ito ang sinabi ng Panginoon, “Sa loob ng tatlong taon, mawawala ang karangalan ng Moab at malalagay sa kahihiyan ang kanyang mga mamamayan. Iilan lang ang matitirang buhay sa mga mamamayan nito at mahihina pa.”