Isaias 25

1Panginoon, kayo ang aking Diyos! Pupurihin kita at pararangalan ang iyong pangalan, sapagkat wagas ang iyong katapatan, ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga, mga gawang binalak mo noong unang panahon.

2Winawasak mo ang mga lungsod iginuguho mo rin pati ang may matitibay na pader. Winasak mo rin ang mga palasyo ng mga dayuhan, at hindi na nila ito maitatayong muli.

3Kaya pararangalan ka ng mga taong makapangyarihan at igagalang ka ng mga malulupit na mga bansa.

4Ikaw ang takbuhan ng mga dukha at ng mga nangangailangan sa panahon ng kahirapan. Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo at lilim sa panahon ng tag-init. Sapagkat ang paglusob ng mga malulupit na tao ay parang bagyong humahampas sa pader,

5at parang init sa disyerto. Ngunit pinatahimik mo ang sigawan ng mga dayuhan. Pinatigil mo ang awitan ng malulupit na mga tao, na parang init na nawala dahil natakpan ng ulap.

6Dito sa Bundok ng Zion, ang Panginoon ng mga Hukbo ay maghahanda ng isang piging para sa lahat. Masasarap na pagkain at inumin ang kanyang inihanda, ang pinakamainam sa mga karne at pinakamasarap na alak.

7At sa bundok ding ito, papawiin niya ang kalungkutan ng mga tao sa lahat ng bansa.

8Ang kamatayan ay kanyang pupuksain magpakailanman. Papahirin ng Makapangyarihang Panginoon ang luha sa kanilang mga mata. Aalisin niya ang kahihiyan ng kanyang mamamayan sa buong mundo. Ang Panginoon ang nagsabi nito.

9Sa araw na mangyari ito, sasabihin nila, “Totoo ngang siya ang ating Diyos! Nagtiwala tayo sa kanya at iniligtas niya tayo. Siya ang Panginoon at umasa tayo sa kanya. Magalak tayoʼt magdiwang dahil tayoʼy iniligtas niya.”

10Talagang tutulungan ng Panginoon ang Bundok ng Zion, ngunit parurusahan niya ang Moab. Tatapakan niya itong parang dayami sa tapunan ng dumi.

11Pagsisikapan nilang makaligtas sa kalagayang iyon na parang taong kakampay-kampay sa tubig. Ngunit kahit na magaling silang lumangoy, ilulubog pa rin sila ng Panginoon. Ibabagsak sila dahil sa kanilang pagmamataas.

12Wawasakin niya ang kanilang mataas at matibay na pader hanggang sa madurog at kumalat ito sa lupa.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.