1Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, mauupo ka sa lupa. Mauupo ka nang walang trono. Ikaw na parang birheng pihikan at mahinhin noon ngunit hindi na ngayon.
2Isa ka nang alipin ngayon, kaya kumuha ka ng batong gilingan at maggiling ka na ng trigo. Alisin mo na ang belo mo, at itaas ang damit mo para makita ang iyong hita habang tumatawid ka sa ilog.
3Lalabas ang iyong kahubaran at mapapahiya ka. Maghihiganti ako sa iyo at hindi kita kaaawaan.”
4Ang ating Tagapagligtas, na ang pangalan ay Panginoon ng mga Hukbo ay ang Banal na Diyos ng Israel.
5“Babilonia, maupo ka nang tahimik doon sa kadiliman. Hindi ka na tatawaging reyna ng mga kaharian.
6Nagalit ako sa aking mga mamamayan at itinakwil ko sila. Kaya ibinigay ko sila sa iyong mga kamay, at hindi mo sila kinaawaan. Pati ang matatanda ay iyong pinagmalupitan ng mabigat na pamatok.
7Sinasabi mong ang iyong pagiging reyna ay walang katapusan. Ngunit hindi mo inisip ang iyong mga ginawa at kung ano ang maidudulot nito sa iyo sa huli.
8“Kaya makinig ka, ikaw na mahilig sa kalayawan at panatag ang kalooban. Sinasabi mo sa iyong sarili, ‘Nag-iisa lang ako. Walang akong katulad. Kailanmaʼy hindi ako mababalo o mawawalan ng mga anak.’
9Ngunit bigla itong mangyayari sa iyo sa isang iglap, sa isang araw: Mababalo ka at mawawalan ng mga anak. Talagang mangyayari ito sa iyo kahit na marami ka pang alam na mahika o panggagaway.
10Naniniwala kang hindi ka mapapahamak sa paggawa mo ng kasamaan, dahil inaakala mong walang nakakakita sa iyo. Inililigaw ka ng iyong karunungan at kaalaman, at iyon din ang dahilan kung bakit sinasabi mong ikaw ang Diyos at wala nang iba pa.
11Kung kaya, darating sa iyo ang kapahamakan at hindi mo malalaman kung papaano mo iyon mailalayo sa pamamagitan ng iyong mahika. Darating din sa iyo ang salot na hindi mo mababayaran para tumigil. Biglang darating sa iyo ang pagkawasak na hindi mo akalaing mangyayari.
12“Sige, ipagpatuloy mo ang iyong mga mahika at mga pangkukulam na iyong ginagawa mula noong bata ka pa. Baka sakaling magtagumpay ka, o baka sakaling matakot sa iyo ang mga kaaway mo.
13Pagod ka na sa marami mong mga pakana. Magpatulong ka sa iyong mga tao na nag-aaral tungkol sa mga bituin at nanghuhula bawat buwan tungkol sa mga mangyayari sa iyo.
14Ang totoo, para silang mga dayaming madaling nasusunog. Ni hindi nga nila maililigtas ang kanilang sarili sa apoy. At ang apoy na itoʼy hindi tulad ng pangkaraniwang init kundi talagang napakainit.
15Ano ngayon ang magagawa ng mga taong hinihingan mo ng payo mula nang bata ka pa? Ang bawat isa sa kanilaʼy naligaw ng landas at hindi makakapagligtas sa iyo.”