Isaias 31

1Kahabag-habag kayong humihingi ng tulong sa Ehipto. Umaasa kayo sa mabibilis nilang kabayo, sa marami nilang karwahe, at malalakas na sundalong nangangabayo. Ngunit hindi kayo nagtitiwala sa Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel, at hindi kayo humihingi ng tulong sa kanya.

2Sa karunungan ng Diyos, magpapadala siya ng salot, at talagang gagawin niya ang kanyang sinabi. Paparusahan niya ang pamilya ng masasama at ang mga tumutulong sa kanila.

3Ang mga taga-Ehipto ay mga tao lang din at hindi Diyos. Ang mga kabayo nilaʼy hindi naman mga espiritu, kundi tulad lang din ng ibang mga kabayo. Kapag nagparusa na ang Panginoon, mawawasak ang Ehipto pati ang mga bansa na tinulungan nito. Pare-pareho silang mawawasak.

4Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Walang makakapigil sa leon sa paglapa niya sa kanyang biktima kahit na magsisigaw pa ang mga nagbabantay ng mga hayop. Katulad ko rin, walang makakapigil sa akin para ingatan ang Bundok ng Zion.

5Ako ang Panginoon ng mga Hukbo, babantayan ko ang Jerusalem na parang ibong nagbabantay sa kanyang pugad. Iingatan ko ito, ililigtas, at hindi pababayaan.”

6Mga Israelita, magbalik-loob kayo sa Panginoon na labis na ninyong sinuway.

7Sapagkat darating ang araw na itatakwil ninyo ang inyong mga diyos-diyosang pilak at ginto na kayo mismo ang gumawa dahil sa inyong pagiging makasalanan.

8Mamamatay ang mga taga-Asiria, ngunit hindi sa pamamagitan ng espada ng tao. Tatakas sila mula sa digmaan, at magiging alipin ang kanilang mga kabataan.

9Tatakas ang kanilang mga kawal dahil sa takot, pati ang kanilang mga pinuno ay hindi na malaman ang gagawin kapag nakita nila ang bandila ng kanilang mga kaaway. Iyan ang sinabi ng Panginoon, na ang kanyang apoy ay nagniningas sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.