Isaias 5

1Aawit ako para sa aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan: May ubasan ang aking minamahal sa burol na mataba ang lupa.

2Inararo niya ito, inalisan ng mga bato, at tinamnan ng mga piling ubas. Nagtayo rin siya ng bantayang tore, at nagpagawa ng pigaan ng ubas. Pagkatapos, hinintay niya ang ani ng matatamis na ubas, subalit ang mga lumago naman ay pawang maaasim.

3Kaya sinabi niya: “Kayong mga nakatira sa Jerusalem at Juda, kayo ang humatol sa pagitan namin ng aking ubasan.

4Mayroon pa ba akong dapat gawin para sa aking ubasan na hindi ko pa nagagawa? Matamis na bunga ang aking inaasahan, ngunit nang pitasin ay maasim naman.

5Sasabihin ko sa inyo ang gagawin ko sa ubasan ko. Aalisin ko ang halamang bumabakod dito, at itoʼy masisira; wawasakin ko ang pader nito, at itoʼy tatapak-tapakan.

6Pababayaan ko na lang ito at hindi na aalagaan. Hindi ko na rin ito puputulan ng mga sanga o bubungkalin. Hahayaan ko na lang ito na matabunan ng mga damo at matitinik na halaman. At ang mga ulap ay aking uutusan na huwag itong patakan ng ulan.”

7Ang bayang Israel ang ubasan ng Panginoon ng mga Hukbo. Ang sambayanan ng Juda ang tanim na ikinatutuwa niya. Umasa siyang makakita ng katarungan, subalit pang-aapi ang kanyang natagpuan. Umasa siyang makakita ng katuwiran, ngunit sa halip, iyak ng kahirapan ang kanyang napakinggan.

8Nakakaawa kayong mga nagpaparami ng mga bahay at nagpapalawak ng inyong mga lupain hanggang sa wala nang lugar para sa iba at kayo na lang ang nakatira sa lupaing ito.

9Sinabi sa akin ng Panginoong Makapangyarihan, “Tiyak na mapapabayaan ang malalaki at magagarang bahay na ito at wala nang titira dito.

10Ang dalawang ektaryang ubasan ay aani na lamang ng anim na galong alak. At ang sampung takal na binhi ay aani lang ng isang takal.”

11Nakakaawa kayong bumabangon nang maaga para mag-inuman at maglasing hanggang lumalim ang gabi.

12May mga alpa at lira pa kayo sa inyong mga piging, may tamburin, plawta at alak na nakahain. Ngunit hindi ninyo pinapansin ang ginagawa ng Panginoon.

13Kaya kayong mga mamamayan ko ay mabibihag sapagkat kulang kayo sa pang-unawa. Ang inyong mga matataas na opisyal ay mamatay sa gutom, at ang mga karaniwang taoʼy malulugmok sa pagkauhaw.

14Nananabik na ang libingan na may bungangang nakaabang, hinihintay nitong lamunin ang mga maharlika hanggang sa mga karaniwang mamamayan, pati na ang mga taong nagdiriwang.

15Kaya ibabagsak ang lahat ng tao, lalo na ang mga mapagmataas.

16Ngunit ang Panginoon ng mga Hukbo ay dadakilain sa kanyang katarungan. Patutunayan ng Diyos na siyaʼy banal sapagkat matuwid ang kanyang paghatol.

17Sa araw na iyon, manginginain ang mga tupa na para bang nasa sariling pastulan, at kakain ang mga pinatabang tupa at batang kambing sa nawasak na lungsod ng mga mayayaman.

18Kahabag-habag kayong binubuntutan sa kasalanan kayong paghahabi ng kasinungalingan ang pinagkakaabalahan, hindi na kayo makakawala sa gapos ng inyong panlilinlang.

19Sinasabi nʼyo pa, “Bilis-bilisan sana ng Banal na Diyos ng Israel na gawin ang sinabi niyang kaparusahan upang makita na namin. Magkatotoo na nga ang kanyang plano, upang malaman namin ito.”

20Kahabag-habag kayong mga nagsasabi na ang masama ay mabuti at ang mabuti ay masama. Ang kadiliman ay sinasabi ninyong liwanag at ang liwanag ay sinasabi ninyong kadiliman. Ang mapait ay sinasabi ninyong matamis at ang matamis ay sinasabi ninyong mapait.

21Kahabag-habag kayo, kayong mga nag-aakalang kayoʼy marurunong at matatalino.

22Kahabag-habag kayo, kayong malalakas uminom ng alak at bihasa sa pagtitimpla nito.

23Pinakakawalan ninyo ang may mga kasalanan dahil sa suhol, ngunit hindi ninyo binibigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan.

24Kaya matutulad kayo sa dayami o tuyong damo na masusunog ng apoy. Matutulad din kayo sa tanim na ang mga ugat ay nabulok o sa bulaklak na tinangay ng hangin na parang alikabok, dahil itinakwil ninyo ang kautusan ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Banal na Diyos ng Israel.

25Kaya naglagablab ang poot ng Panginoon sa inyo na kanyang mga mamamayan, iniamba niya ang kanyang kamay at kayoʼy kanyang pinarusahan. Nayanig ang mga bundok at nakakalat sa mga lansangan ang inyong mga bangkay na parang mga basura. Ngunit hindi pa rin humupa ang kanyang poot. Ang kanyang kamay ay nananatiling nakaamba.

26Sesenyasan niya ang mga bansa sa malayo; sisipulan niya ang mga nakatira sa pinakamalayong bahagi ng mundo, at agad silang darating para salakayin kayo.

27Ni isa man sa kanila ay hindi mapapagod o madadapa, at wala ring aantukin o matutulog. Walang sinturong luluwag sa kanilang baywang, walang tali ng sandalyas na malalagot.

28Ang kanilang mga palasoʼy matutulis, at ang kanilang panaʼy nakakabit at nakaamba. Ang mga paa ng kanilang kabayo ay tulad ng matitigas na bato, at ang gulong ng kanilang mga karwaheʼy tulad ng ikot ng buhawi.

29Ang sigaw nilaʼy parang ungol ng leon, umaatungal silang gaya ng mga batang leon. Habang umuungol ay sinasakmal nila ang kanilang biktima, kinakaladkad nila ito at wala nang makakapagligtas nito.

30Sa araw na sumalakay sila sa Israel, sisigaw sila na parang ugong ng dagat. At kapag tiningnan ng mga tao ang lupain ng Israel, ang makikita nila ay kadiliman at kahirapan. Ang liwanag ay matatakpan ng makapal na ulap.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.