Isaias 57

1Ang taong matutuwid ay nagdurusaʼt namamatay; ngunit walang may pakialam; ang mga makadiyos ay namamatay nang maaga; subalit walang sinumang nakakaunawa na silaʼy inilalayo ng Diyos sa darating na masama.

2Sapagkat kapag namatay ang taong matuwid, magkakaroon na siya ng kapayapaan at kapahingahan.

3Ngunit kayong mga lahi ng mga mangkukulam, ng mga nangangalunya, at ng mga babaeng bayaran, lumapit kayo at nang kayoʼy mahatulan.

4Sino ba ang inyong kinukutya, na nagagawa pa ninyong ngumiwi-ngiwi at dumila-dila? Hindi baʼt kayo ay mga rebelde at sa mga sinungaling nagmula?

5Sinasamba ninyo ang inyong mga diyos-diyosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy na itinuturing ninyong banal. Inaalay ninyo ang inyong mga anak doon sa mga lambak; sa may mga matatalas na bato sa bangin.

6Ang mga batong makikinis sa mga daluyan ng tubig ay ginagawa ninyong diyos at sinasamba sa pamamagitan ng paghahandog ng pagkain at inumin. Hindi ako natutuwa sa ginagawa ninyong iyan.

7Umaakyat kayo sa mga matataas na bundok at nag-aalay ng inyong mga handog doon at nakikipagtalik.

8Inilalagay pa ninyo ang mga rebulto ng inyong mga diyos-diyosan malapit sa pintuan ng inyong mga bahay. Itinatakwil ninyo ako. Para kayong babaeng mangangalunya na nahiga sa malapad niyang higaan at pumayag na sumiping sa kanyang kalaguyo. Gustong-gusto niyang makipagtalik sa kalaguyo niya. Talagang nagpapakasawa siya sa pita ng kanyang laman.

9Pumunta kayo sa diyos-diyosan ninyong si Molec. Marami ang kayong dalang langis at pabango. Nagsugo pa kayo ng mga tao sa malayong lugar para maghanap ng mga diyos-diyosang sasambahin ninyo. Kahit na ang lugar ng mga patay ay parang pupuntahan nʼyo pa.

10At kahit pagod na kayo sa kakahanap ng mga diyos-diyosan, hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa. Pilit ninyong pinalalakas ang inyong sarili kaya hindi kayo nanghihina.

11“Sino ba itong mga diyos-diyosan na kinatatakutan ninyo at nagsinungaling kayo sa akin? Kinalimutan nʼyo ako at hindi pinansin. Ano ba ang dahilan, bakit hindi nʼyo na ako iginagalang? Dahil ba sa nanahimik ako sa loob ng mahabang panahon?

12Ang akala ninyoʼy matuwid ang inyong ginagawa, ngunit ilalantad ko kung anong klaseng tao kayo.

13Tingnan natin kung maililigtas ba kayo ng inyong mga diyos-diyosan kapag dumaing kayo at humingi ng tulong sa kanila.”

14Sasabihin ko: “Ayusin ninyo ang kalsada! Tanggalin ang mga bato at ihanda ito para sa pagbabalik ng aking mga mamamayan.”

15Ito pa ang sinasabi ng Kataas-taasang Diyos, ang Banal na Diyos na nabubuhay magpakailanman: “Nakatira ako sa mataas at banal na lugar, at kasama ng mga taong mapagpakumbaba at nagsisisi, at silaʼy aking palalakasin at bubuhayin ang kanilang kalooban.

16Ang totoo, hindi ko kayo kakalabanin o uusigin habang panahon, dahil kung gagawin ko ito mamamatay ang mga taong nilikha ko.

17Nagalit ako dahil sa kasalanan at kasakiman ng Israel, kaya pinarusahan ko sila at itinakwil. Ngunit patuloy pa rin sila sa pagiging suwail.

18Nakita ko ang masasama nilang gawi, ngunit pagagalingin ko sila; papatnubayan ko sila at aaliwin ang mga nagluluksa.

19At dahil dito, magpupuri sila sa akin. Bibigyan ko sila ng wagas na kapayapaan, sa malayo o malapit man. Pagagalingin ko sila,” sabi ng Panginoon.

20Ngunit ang masasama ay walang kapayapaan. Para silang alon sa dagat na nagdadala ng mga putik at mga dumi sa dalampasigan.

21“Ang taong masama ay hindi mabubuhay ng payapa,” sabi ng aking Diyos.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.