Isaias 54

1“Umawit ka, babaeng baog, ikaw na hindi makapagluwal ng sanggol. Umawit ka at sumigaw sa tuwa, ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak. Sapagkat kahit na iniwan ka ng iyong asawa, mas marami ang iyong magiging anak kaysa sa babaeng kapiling ang asawa,” sabi ng Panginoon.

2Palawakin mo ang lugar ng iyong tolda, at iunat nang malapad ang iyong mga kurtina. Huwag mong liliitan. Pahabain mo ang iyong mga lubid at pagtibayin ang mga tulos.

3Sapagkat lalawak ang iyong hangganan, sasakupin ng iyong mga lahi ang ibang mga bansa, at kanilang titirhan ang mga naiwang lungsod doon.

4“Huwag kang matakot dahil hindi ka mapapahiya. Malilimutan mo na ang kahihiyan ng iyong kabataan at hindi mo na maaalala ang pangungutya dala ng iyong pagkabalo.

5Sapagkat ako na lumikha sa iyo ay para mong asawa. Panginoon ng mga Hukbo ang pangalan ko. Ako ang Banal na Diyos ng Israel, ang iyong Tagapagligtas. Tinatawag akong ‘Diyos ng buong mundo.’

6Sapagkat katulad ng isang babaeng iniwan at masakit ang kalooban, nag-asawa noong bata pa pero hiniwalayan, tinatawag kitang muli,” sabi ng Panginoon.

7“Iniwan kitang pansamantala, ngunit dahil sa laki ng awa ko sa iyo ay muli kitang kukupkupin.

8Dahil sa bugso ng galit ko sa iyo, iniwan kita nang panandalian, ngunit dahil sa walang hanggang pag-ibig ko sa iyo, kaaawaan kita,” sabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas.

9“Para sa akin, katulad ito noong panahon ni Noe nang nangako akong hindi ko na gugunawin ang mundo. Kaya ngayon, nangangako akong hindi na ako magagalit ni magpaparusa sa inyo.

10Kahit mayanig ang mga bundok, at maglaho ang mga burol, ang pag-ibig ko sa iyoʼy hindi mayayanig, at ang kapayapaang ipinangako ko ay hindi maglalaho,” sabi ng Panginoong nagmamalasakit sa iyo.

11“O Jerusalem, para kang binagyo. Nagdusa kaʼt walang umaliw at nagpalakas sa iyo. Ngunit muli kitang itatayo sa pundasyong gawa sa batong safiro, at gagamitin ko ang mga mamahaling bato para sa mga dingding ng bahay mo.

12Mga batong rubi ang gagamitin ko sa iyong mga tore, mga makikislap na bato sa iyong mga pinto, at mamahaling hiyas sa iyong mga pader.

13Ang iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon at silaʼy magkakaroon ng kapayapaan.

14Magiging matatag ka dahil mamumuhay nang matuwid ang mga mamamayan mo. Tatakas ang mga kaaway mo, kaya wala kang dapat katakutan. Hindi na makakalapit sa iyo ang iyong mga kaaway para takutin ka.

15Kung may lulusob sa iyo, hindi ko iyon kalooban. Susuko sila sa iyo.

16Makinig ka! Ako ang lumikha ng mga panday na nagpapaningas ng apoy at gumagawa ng mga sandata. Ako rin ang lumikha ng mga namumuksang gumagamit ng mga sandatang ito para manglipol.

17Walang anumang sandatang nagawa ang magtatagumpay laban sa iyo, at masasagot mo ang anumang ibibintang laban sa iyo. Ito ang pamana ko sa aking mga lingkod. Bibigyan ko sila ng tagumpay,” sabi ng Panginoon.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.