1“Ngunit ngayon, makinig ka, O Israel na aking lingkod, ang mga mamamayan na aking pinili, na mga lahi ni Jacob.
2Ako, ang Panginoon, na lumikha at tumutulong sa iyo. Huwag kang matakot, Jacob, ikaw na aking lingkod at pinili.
3Sapagkat binigyan kita ng tubig na pamatid-uhaw at babasa sa iyong lupang tigang. Ibibigay ko ang aking Espiritu sa iyong lahi at pagpapalain ko sila.
4Lalago sila na parang halaman na dinidiligan ng masaganang tubig o mga puno nasa tabi ng ilog.
5May mga magsasabi, ‘Ako ay sa Panginoon.’ At mayroon ding magsasabi, ‘Akoʼy lahi ni Jacob.’ Mayroon ding mga maglalagay ng tatak sa kanilang kamay ng pangalan ng Panginoon, at ituturing ang kanilang sarili na kabilang sa mga mamamayan ng Israel.
6“Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Panginoon ng mga Hukbo: Ako ang simula at wakas ng lahat. Maliban sa akin ay wala nang iba pang Diyos.
7Sino ang kagaya ko? Sabihin niya sa aking harapan kung ano ang mga nangyari mula nang itayo ko na maging isang bansa ang aking mga mamamayan noong unang panahon. At sabihin din niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap.
8Huwag kayong matakot o kabahan man. Hindi baʼt ipinaalam ko na sa inyo noong una pa ang layunin ko sa inyo? Kayo ang aking mga saksi. Mayroon pa bang ibang Diyos maliban sa akin? Wala! Wala na akong alam na iba pang Batong kanlungan maliban sa akin.”
9Walang kabuluhan ang lahat ng gumagawa ng mga diyos-diyosan. At walang kuwenta rin ang mga bagay na kanilang pinahahalagahan. Ang mga sumasamba dito ay bulag at walang nalalaman. Kaya naman ang sinasapit nila ay kahihiyan.
10Hangal ang taong gumagawa ng mga rebultong diyos-diyosan na hindi naman napapakinabangan.
11Tandaan ninyo! Ang lahat ng sumasamba sa mga rebulto ay mapapahiya, dahil ang mga iyan ay gawa lamang ng tao. Magsama-sama man sila at akoʼy harapin, matatakot sila at mapapahiya rin.
12Ang panday ay kumukuha ng kapirasong bakal at isinasalang sa baga. Pagkatapos, pupukpukin niya ito ng maso at sa kanyang lakas ay ihuhugis itong rebulto. Nanghihina siya sa gutom at halos mawalan ng malay dahil sa uhaw.
13Ang karpintero naman ay sumusukat ng kaputol na kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyo ng tao. Pagkatapos, uukit siya ng magandang larawan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga gamit upang ilagay sa isang dambana.
14At para may magamit siyang kahoy, pumuputol siya ng sedro, ensina, o sipres na kanyang itinanim sa kagubatan. Nagtanim din siya ng puno ng pino, at sa kadidilig ng ulan ay tumubo ito.
15Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagamit niyang panggatong upang makainit at makaluto ng pagkain. At ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawa niyang diyos-diyosan na niluluhuran at sinasamba.
16Ang ibang piraso naman ay ipinanggagatong niya at sa baga nitoʼy nag-iihaw siya ng karne, pagkatapos ay kumakain at nabubusog. Nagpapainit din siya sa apoy at sinasabi niya, “Ang sarap ng init.”
17At ang ibang piraso ay ginagawa niyang rebulto at sa rebultong itoʼy nananalangin siya nang ganito, “Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ang aking diyos.”
18Hindi alam at hindi nauunawaan ng mga taong ito ang kanilang ginagawa. Tinakpan ang mga mata nila kaya hindi sila makakita. Tinakpan din ang kanilang mga isip, kaya hindi sila makaunawa.
19Walang nakakaisip na magsabi, “Ang kaputol ng kahoy ay ipinangluto ko ng pagkain, ipinang-ihaw ng karne na aking kinain. Gagawin ko bang kasuklam-suklam na rebulto ang natirang kahoy? Sasambahin ko ba ang isang pirasong kahoy?”
20Ang mga gumagawa nitoʼy parang kumain ng abo. Ang hangal niyang isip ang nagligaw sa kanya, at hindi niya maililigtas ang kanyang sarili. At hindi siya papayag na ang rebultong nasa kanya ay hindi diyos.
21“Israel, dahil sa ikaw ay aking lingkod, isipin mo ito: Ginawa kita para maglingkod sa akin. Hindi kita kalilimutan.
22Hahawiin ko ang iyong mga kasalanan tulad ng ulap at ikakalat ko ang mga ito gaya ng ambon sa umaga. Manumbalik ka sa akin upang mailigtas kita.”
23O kalangitan, umawit ka sa tuwa! O mundo, sumigaw ka nang malakas! Umawit kayo, kayong mga bundok at mga kagubatan. Sapagkat Ililigtas ng Panginoon ang lahi ni Jacob; ipapakita niya ang kanyang kapangyarihan sa Israel.
24“Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas na lumikha sa inyo. “Ako ang Panginoong lumikha ng lahat ng bagay. Ako lang mag-isa ang naglatag ng langit at ako lang din ang lumikha ng mundo.
25Binigo ko ang mga hula ng mga bulaang propeta. At ginagawa kong mangmang ang mga nanghuhula. Binabaliktad ko ang sinasabi ng marurunong at ginagawa kong walang kabuluhan ang kanilang nalalaman.
26Ngunit tinutupad ko ang propesiya ng aking mga lingkod at mga tagapagsalita. “Sinabi kong ang Jerusalem ay muling titirhan, at ang iba pang bayan ng Juda na nagiba ay muling itatayo.
27Kapag sinabi kong matutuyo ang ilog, matutuyo nga ito.
28Sinabi ko kay Ciro, ‘Ikaw ang tagapagbantay ng aking mga mamamayan at gagawin mo ang lahat ng nais ko. Mag-uutos ka na muling itayo ang Jerusalem at ang Templo roon.’ ”