10Hangal ang taong gumagawa ng mga rebultong diyos-diyosan na hindi naman napapakinabangan.
11Tandaan ninyo! Ang lahat ng sumasamba sa mga rebulto ay mapapahiya, dahil ang mga iyan ay gawa lamang ng tao. Magsama-sama man sila at akoʼy harapin, matatakot sila at mapapahiya rin.
12Ang panday ay kumukuha ng kapirasong bakal at isinasalang sa baga. Pagkatapos, pupukpukin niya ito ng maso at sa kanyang lakas ay ihuhugis itong rebulto. Nanghihina siya sa gutom at halos mawalan ng malay dahil sa uhaw.
13Ang karpintero naman ay sumusukat ng kaputol na kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyo ng tao. Pagkatapos, uukit siya ng magandang larawan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga gamit upang ilagay sa isang dambana.
14At para may magamit siyang kahoy, pumuputol siya ng sedro, ensina, o sipres na kanyang itinanim sa kagubatan. Nagtanim din siya ng puno ng pino, at sa kadidilig ng ulan ay tumubo ito.