Isaias 11

1May tutubong sanga sa tuod ni Jesse; mula sa mga ugat nito ay sisibol ang isang usbong.

2Ang Espiritu ng Panginoon ay mananatili sa kanya, at bibigyan siya ng karunungan at pang-unawa, ng kakayahang magpayo at kalakasan, ng kaalaman at takot sa Panginoon.

3Magiging kagalakan niya ang pagsunod sa Panginoon. Hindi siya mamumuno at hahatol batay lang sa kanyang nakita o narinig sa iba.

4Bibigyan niya ng katarungan ang mga mahihirap at ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan. Sa pamamagitan ng kanyang salita, parurusahan niya ang mga tao sa mundo at mamamatay ang masasamang tao.

5Paiiralin niya ang katarungan at katapatan, ito ang magiging pinakasinturon niya.

6Sa araw na iyon, ang asong lobo ay maninirahang kasama ng tupa. Mahihigang magkakasama ang kambing at leopardo. Magsasama ang guya at batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila ay mga batang paslit.

7Magkasamang kakain ang baka at ang oso, at ang mga anak nila ay magkakatabing hihiga. Ang leon ay kakain ng dayami na tulad ng baka.

8Kahit maglaro ang mga paslit sa tabi ng lungga ng makamandag na ahas, o kahit na isuot nila ang kamay nila sa lungga nito, hindi sila mapapahamak.

9Walang mamiminsala o gigiba sa Zion, ang banal kong bundok. Sapagkat magiging laganap sa buong mundo ang pagkilala sa Panginoon katulad ng karagatan na puno ng tubig.

10Darating ang araw na ang tagapagmana ng trono ni David ang magsisilbing hudyat sa mga bansa. Darating sila upang humingi ng patnubay sa kanya at ang lugar na tinitirhan niya ay magiging tanyag.

11Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon upang ibalik ang kanyang mga natitirang mamamayan na dinalang bihag sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, Elam, Babilonia, Hamat at sa iba pang malalayong lugar.

12Itataas niya ang isang bandila upang tipunin ang mga nabihag na mga Israelita. Pauuwiin niya ang mga nakakalat na mamamayan ng Juda mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo.

13Mawawala na ang inggit ng Israel sa Juda at ang galit ng Juda sa Israel.

14Magkasama silang lulusob sa mga Filisteo sa kanluran, sasamsamin nila ang yaman ng mga tao sa silangan. Ang Edom at Moab ay kanilang sasakupin, at ang mga Amonita ay magpapasakop din.

15Patutuyuin ng Panginoon ang Dagat ng Ehipto, at sa galaw ng kanyang kamay ay paiihipin niya ang mainit na hangin sa Ilog ng Eufrates. Itoʼy hahatiin niya sa pitong maliliit na ilog daluyan upang kahit ang naglalakad ay makakatawid.

16Kung paanong may malapad na daan na dinaanan ng mga mamamayan ng Israel noong umalis sila sa Ehipto, mayroon ding malapad na daan para sa mga natitira niyang mga mamamayan sa Asiria.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.