1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Tiro: Manangis kayong mga barko ng Tarsis. Sapagkat wasak na ang lungsod ng Tiro at wala na ang mga daungan nito. Nanggaling ang balitang ito sa lupain ng Cyprus.
2Tumahimik kayong mga naninirahan sa tabing-dagat pati na kayong mga mangangalakal ng Sidon. Ang inyong mga biyahero na nagpayaman sa inyo ay bumibiyahe
3sa mga karagatan para bumili at magbenta ng mga ani mula sa Shihor na bahagi ng Ilog ng Nilo. At nakikipagkalakalan sa inyo ang mga bansa.
4Mahiya ka, Sidon, ikaw na kanlungan ng mga taong nakatira sa tabing-dagat. Itinatakwil ka na ng karagatan. Sinabi niya, “Wala na akong anak; wala akong inalagaang anak, babae man o lalaki.”
5Labis na magdaramdam ang mga taga-Ehipto kapag nabalitaan nila ang nangyari sa Tiro.
6Umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa tabing-dagat. Tumawid kayo sa Tarsis.
7Noon, masaya ang lungsod ng Tiro na itinayo noong unang panahon. Nakaabot ang mga mamamayan nito sa malalayong lupain at sinakop nila ang mga lupaing iyon. Ngunit ano ang nangyari sa kanya ngayon?
8Sino ang nagplano ng ganito sa Tiro, ang kinikilalang nagkakaloob ng korona, parang prinsipe ang mga mangangalakal nito at silaʼy pinararangalan sa buong mundo?
9Ang Panginoon ng mga Hukbo ang nagplano nito para ibagsak ang nagmamalaki ng kanyang kapangyarihan at ang mga kinikilalang tanyag sa mundo.
10Kayong mga taga-Tarsis ay malayang dumaan sa Tiro, katulad ng Ilog ng Nilo na malayang dumadaloy, dahil wala nang pipigil sa inyo.
11Iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay sa dagat, at niyanig niya ang mga kaharian. Iniutos niyang wasakin ang mga kampo ng Fenicia.
12Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ng Sidon, tapos na ang maliligayang araw ninyo. “Wasak na kayo! Kahit na tumakas kayo papuntang Cyprus, hindi pa rin kayo magkakaroon ng kapahingahan doon.”
13Tingnan ninyo ang lupain ng mga taga-Babilonia, nasaan na ang mga mamamayan nito? Sinalakay ito ng Asiria at hinayaang naging tirahan ng maiilap na hayop. Itinayo nila ang toreng panglusob, giniba nila ang kanyang mga palasyo at iniwan itong wasak.
14Manangis kayong mga barko ng Tarsis dahil nawasak na ang kanlungang pinupuntahan ninyo!
15Ang Tiro ay makakalimutan sa loob ng pitumpung taon, kasintagal ng buhay ng isang hari. Ngunit pagkatapos ng panahong iyon, matutulad siya sa isang babaeng bayaran sa awiting ito:
16“Kaya kunin mo ang iyong alpa at libutin mo ang buong lungsod, babaeng bayarang kinalimutan na. Tugtugin mo ang alpa nang mahusay at umawit ka ng maraming awit upang ikaw ay maalala.”
17Pagkatapos ng pitumpung taon, aalalahanin ng Panginoon ang Tiro. Ngunit muling gagawin ng Tiro ang ginawa niya noon, na katulad ng ginawa ng babaeng bayaran. Gagawa siya ng masama sa lahat ng kaharian ng mundo.
18Ngunit sa bandang huli, ang kikitain niyaʼy hindi niya itatabi. Ihahandog niya ito sa Panginoon para ipambili ng maraming pagkain at magagandang klase ng damit para sa mga naglilingkod sa Panginoon.