Isaias 10

1Nakakaawa kayong mga gumagawa ng mga kautusang di-makatarungan, at naglalabas ng mga batas na wala sa katuwiran.

2Dahil ditoʼy, inaapi ang mga mahihirap at ipinagkakait ang katarungan sa aking mga mamamayan. Ang mga biyuda ang binibiktima nila, at ninanakawan nila ang mga ulila.

3Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa sa inyo? Ano ang gagawin ninyo kapag dumating ng panganib mula sa malayo? Kanino kayo hihingi ng tulong? At saan ninyo itatago ang mga kayamanan ninyo?

4Walang matitira sa inyo. Mabibihag o mamamatay kayo, ngunit ang poot ng Panginoon ay hindi pa humuhupa. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.

5Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang mga taga-Asiria. Sila ang gagamitin kong pamalo upang parusahan ang mga kinamumuhian ko.

6Uutusan ko silang salakayin ang bansang hindi makadiyos at kinapopootan ko, para wasakin ito at tapak-tapakan tulad ng putik sa lansangan, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian.”

7Ngunit hindi malalaman ng hari ng Asiria na ginagamit lang siya ng Panginoon. Akala niyaʼy basta na lang siya mangwawasak ng maraming bansa.

8Buong pagmamalaki niyang sinabi, “Ang mga kumander ng aking hukbo ay parang mga hari.

9Anong pagkakaiba ng Carquemis at Calno, ng Arpad at Hamat, at ng Damasco at Samaria? Silang lahat ay pare-pareho kong winasak.

10Nilupig ko ang mga kaharian ng mga diyos-diyosan, mga kahariang higit pa ang mga imahen kaysa sa Jerusalem at Samaria.

11Winasak ko na ang Samaria at ang mga diyos-diyosan nito. Ganyan din ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga diyos-diyosan nito.”

12Ngunit ito ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kapag natapos na niya ang gagawin niya laban sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem: “Parurusahan ko ang hari ng Asiria dahil sa kanyang pagmamataas at pagmamalaki.

13Sapagkat sinasabi niya, ‘Nagawa ko ito dahil sa sarili kong lakas at karunungan. Tinalo ko ang maraming bansa at sinamsam ang kanilang mga kayamanan. Para akong toro, ibinagsak ko ang mga nakaupo sa trono.

14Kinuha ko ang mga kayamanan ng mga bansa, na para bang nag-iipon lang ako ng mga itlog sa mga pugad na iniwanan ng inahin. Walang pakpak na pumagaspas o huni na narinig.’ ”

15Maaari bang magmalaki ang palakol o ang lagare sa gumagamit sa kanya? Mabubuhat ba ng pamalo ang may hawak sa kanya?

16Kaya magpapadala ang Panginoon ng mga Hukbo ng sakit na magpapahina sa makikisig na sundalo nito, at lalamunin ng naglalagablab na apoy ang karangyaan nito.

17Ang Ilaw ng Israel ay magiging tulad ng apoy, ang Banal na Diyos ay magliliyab na susunog at tutupok sa mga dawag at matitinik nitong halaman sa loob ng isang araw lamang.

18Mawawasak nang tuluyan ang maririlag nitong kagubatan at masasaganang kabukiran, tulad ng maysakit na nanghihina ang katawan.

19Kakaunti lamang ang matitirang puno. Kahit ang batang paslit ay mabibilang ito.

20Sa araw na iyon, ang mga natitirang Israelita, ang mga nakatakas na lahi ni Jacob ay hindi na aasa sa Asiria na pumuksa sa kanila. Silaʼy magtitiwala na sa Panginoon, ang Nag-iisang Banal ng Israel.

21Magbabalik-loob ang mga natitirang lahi ni Jacob sa Diyos na Makapangyarihan.

22Kahit na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat ang mga Israelita, iilan lang ang makakabalik. Nakatakda na ang parusang nararapat para sa buong Israel.

23At tiyak na gagawin ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan ang parusang nakatakda sa buong lupain.

24Kaya sinabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ko na sa Zion naninirahan, ang mga taga Asiriaʼy huwag ninyong katakutan kahit kayo ay kanilang pinahihirapan katulad ng ginawa sa inyo ng mga Ehipsiyo.

25Sapagkat hindi magtatagal at lilipas na ang galit ko sa inyo at sa kanila ko naman ibubuhos ito hanggang sa silaʼy mawasak.”

26Parurusahan sila ng Panginoon ng mga Hukbo katulad ng ginawa niya sa mga taga-Midian sa Bato ng Oreb at sa mga Ehipsiyo nang nilunod niya sila sa dagat.

27Sa araw na iyon, palalayain ko kayo mula sa kapangyarihan ng Asiria. Para kayong natanggalan ng mabigat na pasanin sa mga balikat nʼyo at ng pamatok na nagpapabigat sa leeg ninyo. Lalaya kayo mula sa kapangyarihan nila dahil magiging makapangyarihan kayo.

28Nilusob ng Asiria ang Aiat. Doon sila dumaan sa Migron at iniwan nila sa Micmas ang mga dala nila.

29Dumaan sila sa tawiran, at doon natulog sa Geba. Natakot ang mga taga-Rama, at tumakas ang mga mamamayan ng Gibea na bayan ni Haring Saul.

30Sumigaw kayong mga taga-Galim! Makinig kayong mga taga-Laisa at kayong mga kawawang taga-Anatot.

31Tumakas na ang mga mamamayan ng Madmena at Gebim.

32Sa araw na ito, darating ang mga taga-Asiria sa Nob. At sesenyas sila na salakayin ang bundok ng Jerusalem, ang Bundok ng Zion.

33Makinig kayo! Ang Panginoon ng mga Hukbo ang wawasak sa mga taga-Asiria sa pamamagitan ng kahanga-hanga niyang kapangyarihan, na parang pumuputol ng mga sanga sa puno. Ibabagsak niya ang mga mapagmataas katulad ng pagputol ng matataas na punongkahoy.

34Pababagsakin niya sila katulad ng pagputol ng mga puno sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol. Silang mga katulad ng puno sa Lebanon ay pababagsakin ng Diyos na Makapangyarihan.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.