Isaias 15

1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Moab: Sa loob lamang ng isang gabi ay nawasak ang lungsod ng Ar at Kir na sakop ng Moab.

2Umahon ang mga taga-Dibon mula sa kanilang templo at sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar para umiyak. Iniiyakan ng mga taga-Moab ang Nebo at Medeba. Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo at nagpaahit ng mga balbas.

3Nakadamit sila ng sako habang lumalakad sa lansangan. Humahagulgol sila sa tuktok ng bubong at sa mga plasa.

4Umiiyak ang mga taga-Hesbon at ang mga taga-Eleale at naririnig ito hanggang sa Jahaz. Kaya ang mga sundalo ng Moab ay sumisigaw nang malakas at nanghihina sa takot.

5Nalungkot ako dahil sa nangyari sa Moab. Nagsitakas ang kanyang mga mamamayan papuntang Zoar hanggang sa Eglat-selisiya. Nag-iiyakan sila habang umaahon papuntang Luhit. Ang iba sa kanila ay humahagulgol patungo sa Horonaim, dahil sa kanilang sinapit.

6Natuyo ang mga sapa ng Nimrim at nalanta ang mga damo. Ang kaparangan ay nalanta at anumang luntian ay nawala na.

7Kaya dinala nila sa kabila ng daluyan ng tubig ng Herabim ang mga ari-arian at kayamanang natipon nila.

8Ang iyakan nila ay maririnig sa hangganan ng Moab, mula sa Eglaim hanggang sa Beer-elim.

9Naging pula sa dugo ang tubig ng Dibon, ngunit higit pa diyan ang gagawin ko: Magpapadala ako ng mga leon na lalapa sa mga nagsisitakas mula sa Moab at sa mga naiwan doon.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.