1“Ito ang sinabi ng Panginoon kay Ciro na kanyang hinirang at pinalakas ang kapangyarihan, Sakupin mo ang mga bansa at pasukuin mo ang mga hari. Buksan mo ang mga pintuan ng kanilang mga lungsod at agawin, at hindi na ito isasara.
2Ako ang maghahanda ng iyong dadaanan, at papatagin ko ang mga bundok. Gigibain ko ang mga pintuang tanso at ang mga tarangkahang bakal nito.
3Ibibigay ko sa iyo ang mga nakatagong kayamanan, upang malaman mong ako ang Panginoon, ang Diyos ng Israel na tumawag sa iyo.
4Tinawag kita para tulungan mo ang Israel na aking lingkod at pinili. Pinarangalan kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala.
5Ako ang Panginoon, at wala nang iba pa; maliban sa akin ay wala nang ibang Diyos. Palalakasin kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala
6upang malaman ng lahat sa buong mundo na walang ibang Diyos maliban sa akin. Ako ang Panginoon at wala nang iba pa.
7Ako ang lumikha ng liwanag at ng dilim. Ako ang nagpapadala ng kabutihan at ng kapahamakan. Ako ang Panginoon na gumawa ng lahat ng ito.
8“Magbibigay ako ng tagumpay na parang ulan. Matatanggap ito ng mga tao sa mundo, at kakalat ang kaligtasan at tagumpay na parang tanim na tumutubo. Ako ang Panginoong gumawa nito.
9“Nakakaawa ang taong nakikipagtalo sa Diyos na lumikha sa kanya. Ang katulad niyaʼy palayok lamang. Ang putik bang ginagawang palayok ay maaaring magsabi sa magpapalayok kung ano ang dapat niyang gawin? O makakapagreklamo ba siyang walang kakayahan ang magpapalayok?
10Nakakaawa ang anak na nagsasabi sa kanyang mga magulang, ‘Bakit ba ninyo ako ginawang ganito?’ ”
11“Ito pa ang sinabi ng Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel, na lumikha sa kanya, Nagrereklamo ba kayo sa mga ginagawa ko? Inuutusan nʼyo ba ako sa mga dapat kong gawin?
12Ako ang lumikha ng mundo at ng lahat ng taong naninirahan dito. Ang mga kamay ko ang nagladlad ng langit, at ako ang nag-utos sa araw, buwan at mga bituin na lumabas.
13Ako ang tumawag kay Ciro para isagawa ang aking layunin. Gagawin kong tama ang lahat ng pamamaraan niya. Itatayo niyang muli ang aking lungsod at palalayain niya ang mga mamamayan kong binihag. Gagawin niya ito hindi dahil sa binigyan siya ng suhol o regalo. Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ang nagsasabi nito.”
14Sinabi ng Panginoon sa Israel, “Masasakop mo ang mga taga-Ehipto, ang mga taga-Etiopia at ang mga taga-Sabea na may matatangkad na lalaki. Paparito sila sa iyo na dala ang kanilang mga kayamanan at mga ani. Silaʼy magiging mga bihag mo. Luluhod sila sa iyo at magsasabi, ‘Ang Diyos ay totoong kasama mo, at wala nang ibang Diyos!’ ”
15O Diyos at Tagapagligtas ng Israel, hindi nʼyo ipinapakita ang inyong sarili.
16Mapapahiya ang lahat ng gumagawa ng mga rebultong diyos-diyosan.
17Ngunit ang Israel ay ililigtas nʼyo, Panginoon, at ang kaligtasan nila ay walang hanggan. Hindi na sila mapapahiya kahit kailan.
18Kayo Panginoon ang Diyos. Kayo ang lumikha ng langit at ng mundo. Hindi nʼyo ginawa ang mundo nang walang nabubuhay. Ginawa nʼyo ito para maging tirahan. Sinabi nʼyo, “Ako ang Panginoon at wala nang iba pa.
19Hindi ako nagsalita nang lihim, nang walang nakakaalam. Hindi ko sinabi sa mga lahi ni Jacob na dumulog sila sa akin, na wala naman silang matatanggap sa akin. Ako ang Panginoon, nagsasalita ako ng katotohanan. Sinasabi ko kung ano ang dapat.”
20“Magtipon kayong lahat at lumapit sa akin, kayong mga tumakas mula sa mga bansa. Walang alam ang mga nagdadala ng mga diyos-diyosan nilang kahoy. Nananalangin sila sa mga diyos-diyosang ito, na hindi naman makapagliligtas sa kanila.
21Isangguni ninyo sa isaʼt isa, at ihayag ang inyong usapin. Sino ang humula noon tungkol sa mga bagay na mangyayari? Hindi baʼt ako, ang Panginoon? Wala nang ibang Diyos, ako lang, ang Diyos na matuwid at Tagapagligtas.
22“Lumapit kayo sa akin para maligtas kayo, kayong lahat sa buong mundo. Sapagkat ako ang Diyos at maliban sa akin ay wala nang iba pa.
23Sumumpa ako sa aking sarili, at ang mga sinabi koʼy hindi na mababago. Ang lahat ay luluhod sa akin, at silaʼy mangangakong magiging tapat sa akin.
24Sasabihin nila, ‘Tanging sa Panginoon lamang magkakaroon ng lakas at tagumpay na may katuwiran.’ ” Ang lahat ng napopoot sa Panginoon ay lalapit sa kanya at mapapahiya.
25Sa tulong ng Panginoon ang lahat ng lahi ng Israel ay makakaranas ng tagumpay na may katuwiran at magpupuri sila sa kanya.