Isaias 27

1Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang kanyang matalim at makapangyarihang espada upang parusahan ang Leviatan, ang dragon sa karagatan at papatayin ang maliksi at gumagapang na dambuhala sa dagat.

2“Sa araw na iyon, aawit kayo tungkol sa ubasan na umaani nang sagana.

3Ako ang Panginoon na nag-aalaga ng ubasan. Dinidiligan ko ito. Araw-gabi ko itong binabantayan upang walang sinumang manira nito.

4Hindi na ako galit sa ubasang ito. Ngunit sa sandaling may makita akong mga halamang may tinik, tatanggalin ko iyon at susunugin.

5Ngunit kung nanaisin nilang akin silang alagaan, ang kailangan lang nilang gawin ay makipagkasundo sa akin.”

6Darating ang araw na ang mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob ay magkakaugat tulad ng halaman. Magkakasanga ito, mamumulaklak, at mamumunga ng marami at pupunuin ang buong mundo.

7Hindi pinaparusahan ng Diyos ang Israel katulad ng pagpaparusa niya at pagpatay sa mga kaaway nila.

8Ipinabihag ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan bilang parusa sa kanila. Ipinatangay niya sila sa napakalakas na hangin mula sa silangan.

9Mapapatawad lang sila kung gigibain nila ang kanilang mga altar na bato at kung didikdikin ang mga ito ng pino at itatapon ang mga posteng imahen ni Ashera, at ang mga altar na pinagsusunugan nila ng insenso.

10Nawasak na ang tanggulang lungsod. Para na itong ilang. Wala nang nakatira rito. Naging pastulan na lang ito at pahingahan ng mga baka. Inubos ng mga baka ang mga dahon ng mga sanga.

11At nang mabali at matuyo ang mga sanga, tinipon ito ng mga babae at ginawang panggatong. Dahil sa walang pang-unawa ang mga taong ito, hindi sila kaaawaan ng Diyos na lumikha sa kanila.

12Sa araw na iyon, ihihiwalay ng Panginoon ang mga Israelita at titipunin niya isa-isa mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa daluyan ng tubig ng Ehipto na parang nagtitipon ng mga butil sa giikan.

13At sa araw na iyon, tutunog ang dakilang trumpeta. Silang mga ikinalat na naghihirap sa Asiria at mga bihag sa Ehipto ay darating at sasamba sa Panginoon sa banal na bundok sa Jerusalem.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.