Isaias 52

1Gumising ka, O Zion, bumangon ka at magpakalakas! Isuot mo ang mararangya mong damit, O banal na lungsod ng Jerusalem, dahil ang mga hindi tuli at itinuturing mong marumi ay hindi na muling makakapasok saʼyo.

2Huwag ka nang malungkot katulad ng taong nagluluksa na nakaupo sa lupa. Bumangon ka na at muling mamahala. At kayong mga mamamayan ng Jerusalem, palayain ninyo na ang inyong sarili mula sa pagkabihag.

3Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon: “Ipinagbili kayong walang bayad, kaya tutubusin ko kayo nang wala ring bayad.”

4Ito ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Noong unaʼy pumunta kayo sa Ehipto para manirahan; pagkatapos ay inapi kayo ng Asiria nang walang dahilan.

5“Ngayon, ano na naman ang nangyari sa inyo?” tanong ng Panginoon. “Binihag kayo ng Babilonia na parang wala ring bayad. Pinamahalaan nila kayo at nilait. Maging ako ay lagi rin nilang nilalapastangan.

6Ngunit darating ang araw na malalaman ninyo kung sino ako, dahil ako mismo ang nagsasalita sa inyo. Oo, ako nga.”

7Napakagandang pagmasdan sa kabundukan ang mga sugong dala-dala ang magandang balita; balita na naghahayag ng kapayapaan, at nagsasaad ng kabutihan tungkol sa pagliligtas ng Diyos. Sasabihin nila sa Zion, “Naghahari na ang iyong Diyos!”

8Sumisigaw sa tuwa ang mga tagapagbantay ng lungsod; sabay-sabay silang umaawit sa galak, dahil makikita mismo ng kanilang mga mata ang pagbabalik ng Panginoon sa Zion.

9Sama-sama kayong umawit nang may kagalakan, mga guho ng Jerusalem, sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. Iniligtas niya ang Jerusalem!

10Ipapakita ng Panginoon ang natatangi niyang kapangyarihan sa lahat ng bansa, at makikita ng buong mundo ang pagliligtas ng ating Diyos.

11Kayong mga tagapagdala ng mga kagamitan ng bahay ng Panginoon, umalis na kayo sa Babilonia. Huwag kayong hihipo ng mga bagay na itinuturing na marumi. Umalis na kayo sa Babilonia, at magpakabanal.

12Ngunit ngayon, hindi nʼyo na kailangang magmadali sa pag-alis, na para bang tumatakas. Sapagkat ang Panginoon ang mangunguna sa inyo. Ang Diyos ng Israel ang magtatanggol sa inyo.

13Sinabi ng Panginoon, “Ang aking lingkod ay magtatagumpay. Magiging tanyag siya at pararangalan.

14Marami ang nasindak sa kanya, dahil sirang-sira ang kanyang mukha na parang hindi na mukha ng tao; ang hitsura niyaʼy napinsala ng todo.

15Pati ang mga bansa ay mamamangha sa kanya. Ang mga hari ay hindi makakaimik dahil sa kanya, sapagkat makikita nila ang mga bagay na hindi pa nasasabi sa kanila. At mauunawaan nila ang mga bagay na hindi pa nila naririnig.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.