1“Narito ang lingkod ko na aking pinalalakas ang loob. Pinili ko siya at akoʼy nagagalak sa kanya. Sumasakanya ang aking Espiritu, at papairalin niya ang katarungan sa mga bansa.
2Hindi siya sisigaw o magsasalita nang malakas o magtataas ng boses sa mga lansangan.
3Hindi niya pababayaan ang mahihina ang pananampalataya at hindi niya tatalikuran ang mga nawalan ng pag-asa. Matapat niyang papairalin ang katarungan.
4Hindi siya manghihina o mawawalan ng pag-asa hanggaʼt hindi niya lubusang napapairal ang katarungan sa buong mundo. Pati ang mga tao sa malalayong lugar ay maghihintay sa kanyang mga turo.”
5Ito ang sinabi ng Diyos, ang Panginoon na lumikha ng langit na iniladlad niyang parang tela. Nilikha niya ang mundo at ang lahat ng naroroon. Siya rin ang nagbibigay ng buhay sa mga tao at sa lahat ng nilikhang nabubuhay sa mundo.
6“Ako ang Panginoon na tumawag sa iyo para ipakita na akoʼy matuwid. Tutulungan at iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Gagawin kitang ilaw na magbibigay-liwanag sa mga bansa,
7para imulat ang mga mata ng mga bulag, at magpalaya sa mga binihag na ikinulong sa madilim na bilangguan.
8“Ako ang Panginoon! Iyan ang aking pangalan! Hindi ko ibibigay kaninuman o ibahagi sa mga diyos-diyosan ang aking karangalan at mga papuri na para sa akin.
9Tingnan mo! Ang mga bagay noon ay nangyayari na, at ngayon ang ipinapahayag ko ay mga bagong bagay na; bago pa mangyari ang mga ito, ipinapaalam ko na saʼyo.”
10Umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit! Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, kayong lahat na nasa mundo. Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag, kayong lahat ng mga nilikha sa dagat at kayong mga nakatira sa malalayong lugar.
11Purihin ninyo siya, kayong mga bayan na nasa ilang at kayong mga taga-Kedar. Umawit kayo sa tuwa, kayong mga taga-Sela. Isigaw ninyo ang pagpupuri sa tuktok ng mga bundok.
12Parangalan ninyo at purihin ang Panginoon kayong mga isla.
13Ang Panginoon ay lulusob tulad ng isang bayaning makisig, siyaʼy darating tulad ng isang mandirigma, puno ng galit. Isisigaw niya ang kanyang hudyat sa digmaan, at lulupigin niya ang lahat ng kanyang kaaway.
14“Sa mahabang panahon nagsawalang-kibo ako; nanahimik ako at pinigilan ang sarili ko. Ngunit ngayon, tulad ng babaeng nanganganak, akoʼy sisigaw, hihingal at uungol.
15Gigibain ko ang mga bundok at mga burol, at lalantain ko ang mga pananim. Gagawin kong tuyong lupa ang mga ilog at patutuyuin ko ang mga sapa.
16Aakayin ko ang mga mamamayan kong bulag, sa landas na hindi pa nila nadaraanan, silaʼy aking gagabayan. Pagliliwanagin ko ang kadiliman sa kanilang harapan at papantayin ko ang mga baku-bakong daanan. Gagawin ko ang mga bagay na ito; hindi ko sila pababayaan.
17Ngunit ang mga nagtitiwala sa mga diyos-diyosan, at ang mga itinuturing na diyos ang kanilang mga imahen ay tatakas dahil sa malaking kahihiyan.
18“Kayong mga bingi at bulag, makinig kayo at tumingin!
19Kayoʼy mga lingkod ko at mga pinili. Isinugo ko kayo bilang aking mga tagapagsalita, ngunit walang makakapantay sa inyong pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan.
20Marami na kayong nakikita ngunit hindi ninyo pinapansin. Nakakarinig kayo ngunit ayaw ninyong makinig!”
21Nais ng Panginoon na parangalan ang kanyang kautusan para ipakita na matuwid siya.
22Ngunit ngayon, ang kanyang mga mamamayan ay ninakawan, sinamsaman ng ari-arian, inihulog sa hukay o ipinasok sa bilangguan, at walang sinumang tumulong sa kanila.
23Mayroon ba sa inyong gustong makinig o magbigay halaga mula ngayon sa inyong narinig?
24Sino ang nagbigay ng pahintulot na nakawan si Jacob at samsaman ng ari-arian ang Israel? Hindi baʼt ang Panginoon, na siyang pinagkasalaan natin? Sapagkat hindi natin sinunod ang mga pamamaraan niya at mga kautusan.
25Kung kaya, ipinadama ng Panginoon ang matindi niyang galit sa atin sa pamamagitan ng pagpapahirap sa atin sa digmaan. Ang galit niyaʼy parang apoy na nakapalibot at sumusunog sa atin, ngunit hindi natin ito pinansin o inisip man lamang.