Isaias 26

1Sa mga araw na iyon ang awit na itoʼy aawitin sa Juda: Matatag na ang ating lungsod! Ang Pagliligtas ng Diyos ay parang pader na nakapalibot sa atin.

2Buksan ang mga pintuan ng lungsod para makapasok ang bansang matuwid at tapat sa Panginoon.

3Panginoon, bigyan nʼyo nang lubos na kapayapaan ang taong kayo lagi ang iniisip dahil nagtitiwala siya sa inyo.

4Magtiwala kayong lagi sa Panginoon, dahil siya ang ating Batong kanlungan magpakailanman.

5Ang totoo, ibinabagsak niya ang mga mapagmataas. Winawasak niya ang kanilang lungsod hanggang sa madurog sa lupa.

6At itoʼy tinatapak-tapakan ng mga dukha na kanilang inapi.

7Patag ang daan ng taong matuwid, at kayo, Panginoong matuwid, ang nagpatag nito.

8Panginoon, sinunod namin ang inyong mga utos, at nagtiwala kami sa inyo. Hangad naming kayo ay aming maparangalan.

9Buong puso kitang hinahanap-hanap sa tuwing gabi at pati sa umaga. Kung hahatulan nʼyo ang mga tao sa mundo, matututo silang mamuhay nang matuwid.

10Kahit kinaaawaan nʼyo ang masasamâ, hindi pa rin sila natututong mamuhay nang matuwid. Kahit na naninirahan silang kasama ng mga matuwid, patuloy pa rin sila sa kanilang gawaing masama, at hindi nila kinikilala ang inyong kadakilaan.

11Panginoon, nakahanda na po kayong magparusa sa kanila, ngunit hindi nila alam. Ipaalam ninyo sa kanila, Panginoon. Ilagay po ninyo sila sa kahihiyan. Ipakita ninyo sa kanila kung gaano ninyo kamahal ang inyong mga mamamayan. Lipulin po ninyo sa pamamagitan ng inyong apoy ang inyong mga kaaway.

12Panginoon, dalhin po ninyo kami sa mabuting kalagayan, sapagkat ang lahat ng aming nagagawa ay nagagawa namin sa tulong ninyo.

13Panginoon na aming Diyos, pinamahalaan kami ng ibang panginoon, ngunit kayo lang ang aming sinasamba.

14Patay na sila ngayon at hindi na mabubuhay pa. Pinarusahan nʼyo sila at pinatay para malimutan at hindi na maaalala pa.

15Panginoon, pinalawak ninyo ang aming bansa. Pinalapad ninyo ang aming mga hangganan, at itoʼy nagbigay sa inyo ng karangalan.

16Panginoon, pinarusahan nʼyo ang iyong mga mamamayan, at sa kanilang mga paghihirap ay dumulog at tumawag sila sa inyo.

17Panginoon, kitang-kita nʼyo ang aming paghihirap. Tulad kami ng isang babaeng nanganganak, na napapasigaw dahil sa tindi ng sakit.

18Dumaing kami dahil sa hirap, ngunit walang nangyari sa aming daing. Wala kaming nagawa para iligtas ang lupain, at wala kaming ipinanganak na maninirahan sa mundo.

19Ngunit muling mabubuhay ang inyong mga mamamayang namatay. Babangon ang kanilang mga bangkay at aawit sa galak. Kung papaanong ang hamog ay nagpapalamig ng lupa, kayo rin Panginoon ang muling bubuhay sa mga patay.

20Mga kababayan, pumasok kayo sa inyong mga tahanan at isara ninyo ang inyong mga pintuan. Magtago muna kayo hanggang sa mawala ang galit ng Panginoon.

21Sapagkat darating ang Panginoon mula sa kanyang tirahan upang parusahan ang mga tao sa mundo dahil sa kanilang mga kasalanan. Ilalabas ng lupa ang mga taong pinatay, at hindi na niya itatago pa.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.