7Patag ang daan ng taong matuwid, at kayo, Panginoong matuwid, ang nagpatag nito.
8Panginoon, sinunod namin ang inyong mga utos, at nagtiwala kami sa inyo. Hangad naming kayo ay aming maparangalan.
9Buong puso kitang hinahanap-hanap sa tuwing gabi at pati sa umaga. Kung hahatulan nʼyo ang mga tao sa mundo, matututo silang mamuhay nang matuwid.
10Kahit kinaaawaan nʼyo ang masasamâ, hindi pa rin sila natututong mamuhay nang matuwid. Kahit na naninirahan silang kasama ng mga matuwid, patuloy pa rin sila sa kanilang gawaing masama, at hindi nila kinikilala ang inyong kadakilaan.
11Panginoon, nakahanda na po kayong magparusa sa kanila, ngunit hindi nila alam. Ipaalam ninyo sa kanila, Panginoon. Ilagay po ninyo sila sa kahihiyan. Ipakita ninyo sa kanila kung gaano ninyo kamahal ang inyong mga mamamayan. Lipulin po ninyo sa pamamagitan ng inyong apoy ang inyong mga kaaway.