1Nakayuko si Bel, nakahiga naman si Nebo; ang mga diyos-diyosang ito ay ipinabuhat sa mga asno. Mabibigat ang mga imaheng ito; pasanin ng mga hayop na pagod.
2Nakahiga nga sila, at hindi nila kayang iligtas ang kumakarga sa kanila, kaya pati sila ay nabihag.
3Makinig kayo sa akin, mga lahi ni Jacob, kayong mga natitirang mga mamamayan ng Israel. Inalagaan ko kayo mula nang kayoʼy ipinanganak
4Aalagaan ko kayo hanggang sa kayoʼy tumanda at pumuti ang inyong buhok. Ako, ako ang siyang tutulong sa inyo. Nilikha ko kayo kaya kayoʼy aalagaan ko. Tutulungan ko kayo at ililigtas.
5Kanino ninyo ako maihahalintulad? Mayroon bang katulad ko?
6Ang ibang mga tao ay naglalabas ng ginto sa sisidlan at nagtitimbang ng pilak at inuupahan nila ang platero para gumawa ng diyos-diyosan at pagkatapos ay kanilang luluhuran at sasambahin.
7Pinapasan nila ito sa kanilang balikat at inilalagay sa kanyang lalagyan at nananatili ito roon dahil hindi naman ito makakakilos. Kung may mananalangin sa kanya, hindi siya makakasagot at hindi makakatulong sa panahon ng kaguluhan.
8Kayong mga rebelde, tandaan ninyo ito, at itanim sa inyong mga isip.
9Alalahanin ninyo ang aking mga ginawa noong unang panahon. Ako lang ang Diyos, at wala nang iba pang katulad ko.
10Sa simula pa lang, sinabi ko na ang mga mangyayari sa hinaharap. Ang aking mga inihayag ay magaganap, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.
11Mula sa silangan, tatawag ako ng isang tao, at darating siyang tulad ng ibong mandaragit mula sa malayong lugar. Ang mga sinabi koʼy aking tutuparin. Ang mga balak koʼy aking gagawin.
12Makinig kayo sa akin kayong matitigas ang ulo. Hindi ninyo mararanasan ang tagumpay at katuwiran.
13Hindi na magtatagal, ibibigay ko na ang tagumpay at katuwiran sa Jerusalem. Malapit ko na itong iligtas; pararangalan ko ang Israel.