Isaias 30

1Sinabi ng Panginoon, “Kahabag-habag ang aking mga anak na suwail. Gumagawa sila ng mga plano na hindi naaayon sa kalooban ko. Nakikipagkasundo sila na hindi pinapatnubayan ng aking Espiritu. Kaya ang kasalanan nilaʼy nadadagdagan pang lalo.

2Pumunta sila sa Ehipto na hindi sumangguni sa akin para humingi ng proteksyon sa Faraon at kanlungan sa bayang iyon.

3Ngunit ang proteksyon ng Faraon ay magdudulot ng kahihiyan dahil mabibigo kayo sa hinahangad na tulong.

4Sapagkat kahit na may mga namumunong opisyal ng Faraon sa Zoan at nakarating ang mensahero niya hanggang sa Hanes,

5mapapahiya lang ang Juda dahil sa mga taga-Ehiptong walang pakinabang at wala namang maitutulong sa kanila, sa halip, kabiguan at kahihiyan ang matatamo nila.”

6Ito ang pahayag ng Diyos tungkol sa mga hayop sa Negeb: Nilakbay ng mga taga-Juda ang ilang na mahirap lakbayin kung saan may mga leon, mga ulupong at lumilipad na mga makamandag na ahas. Ikinakarga nila ang kanilang mga kayamanan sa mga asno at mga kamelyo, para ihandog sa bansang hindi man lang makatulong sa kanila.

7Ang bansang iyon ay ang Ehipto, na ang tulong ay walang silbi. Kaya tinatawag ko itong “Dragon na Inutil.”

8“Halika, iukit mo sa tapyas na bato, isulat mo sa aklat, upang sa darating na panahon ay magsisilbi itong saksi.

9Sapagkat mga rebelde sila, sinungaling, at ayaw makinig sa mga aral ko.

10Sinabi nila sa mga propeta, ‘Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tungkol sa mga pahayag ng Diyos sa inyo. Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tama. Sabihin nʼyo sa amin ang mga bagay na makapagpapasaya sa amin at mga pangitain na hindi mangyayari.

11Umalis kayo sa aming dinadaanan, huwag ninyo kaming harangan. Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel.’ ”

12Kaya sinabi ng Banal na Diyos ng Israel, “Dahil sa itinakwil ninyo ang aking mensahe at nagtiwala kayo sa pang-aapi at pandaraya,

13bigla kayong malilipol. Ang inyong mga kasalanan ay katulad ng bitak na biglang wawasak sa mataas na pader sa isang iglap.

14Madudurog kayo na parang palayok, na sa lakas ng pagbagsak ay wala man lang kahit kapirasong mapaglagyan ng baga o maipansalok ng tubig.”

15Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel, “Magbalik-loob kayo sa akin at pumanatag, dahil ililigtas ko kayo. Huwag kayong mabahala kundi magtiwala sa akin, dahil palalakasin ko kayo. Ngunit tumanggi kayo

16at sinabi ninyo, ‘Hindi! Makakatakas kami sakay ng aming kabayo.’ Oo, makakatakas nga kayo! Dagdag pa ninyo, ‘Sasakay kami sa mabibilis naming kabayo.’ Kaya mabibilis din ang mga hahabol sa inyo.

17Sa banta ng isa, isang libong sundalo ang makakatakas sa inyo. Sa banta ng lima, makakatakas kayong lahat. Matutulad kayo sa nakatayong bandila na nag-iisa sa tuktok ng bundok.”

18Ngunit naghihintay ang Panginoon na kayoʼy lumapit sa kanya para kaawaan niya kayo. Nakahanda siyang ipadama sa inyo ang kanyang pagmamalasakit. Sapagkat ang Panginoon ay Diyos na makatarungan, at mapalad ang nagtitiwala sa kanya.

19Kayong mga taga-Zion, na mga mamamayan ng Jerusalem, hindi na kayo muling iiyak! Kaaawaan kayo ng Panginoon kung hihingi kayo ng tulong sa kanya. Kapag narinig niya ang inyong panalangin, sasagutin niya kayo.

20Para kayong pinakain at pinainom ng Panginoon ng kapighatian at paghihirap. Ngunit kahit na ginawa niya ito sa inyo, siya, na guro ninyo ay hindi magtatago sa inyo. Makikita ninyo siya,

21at maririnig ninyo ang kanyang tinig na magtuturo sa inyo ng tamang daan, saan man kayo naroroon.

22Ituring na ninyong marumi ang inyong mga diyos-diyosang gawa sa pilak at ginto. Itapon nʼyo na parang napakaruming basahan at sabihin, “Ayaw ko nang makita kayo!”

23Bibigyan kayo ng Panginoon ng ulan sa panahon ng pagtatanim, at magiging sagana ang inyong ani. At ang inyong mga hayop ay manginginain sa malawak na pastulan.

24Ang mga baka ninyo at asnong pang-araro ay kakain ng pinakamainam na pagkain ng hayop na maayos na natahipan para mahiwalay ang ipa gamit ang kalaykay at pala.

25Sa mga araw na iyon na papatayin ang inyong mga kaaway at wawasakin ang kanilang mga muog, dadaloy ang tubig mula sa bawat matataas na bundok.

26Liliwanag ang buwan na parang araw. Ang araw naman ay magliliwanag ng pitong ibayo, na parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama sa iisang araw. Mangyayari ito sa araw na gagamutin at pagagalingin ng Panginoon ang sugat ng kanyang mga mamamayan.

27Makinig kayo! Dumarating ang Panginoon mula sa malayo. Nag-aapoy siya sa galit at nasa gitna ng usok. Ang mga labi niyang nanginginig sa galit ay parang nagliliyab na apoy.

28Ang kanyang hininga ay parang malakas na agos na umaabot hanggang leeg. Nililipol niya ang mga bansa na parang sinasalang trigo. Para silang mga hayop na nilagyan ng bokado at hinila.

29Ngunit kayong mga mamamayan ng Diyos ay aawit, katulad ng ginagawa ninyo sa gabi ng banal na pista ng pagpaparangal sa Panginoon. Magagalak kayo katulad ng taong nagmamartsa sa tunog ng plauta habang naglalakad patungo sa Bundok ng Panginoon para sambahin siya, ang Batong kanlungan ng Israel.

30Ipaparinig ng Panginoon ang kanyang makapangyarihang tinig. At ipapakita niya ang kanyang kamay na handa nang magparusa sa tindi ng kanyang galit. Sasabayan ito ng nagliliyab na apoy, biglang pagbuhos ng ulan, pagkulog at pagkidlat, at pag-ulan ng yelo na parang mga bato.

31Tiyak na matatakot ang mga taga-Asiria kapag narinig nila ang tinig ng Panginoon na magpaparusa sa kanila.

32Ang bawat hampas ng pamalo ng Panginoon upang silaʼy parusahan ay sinasabayan ng tugtugin ng mga tamburin at lira, habang nilalabanan niya sila gamit ang kanyang mga bisig.

33Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari ng Asiria. Maluwang ito at malalim, at handa na ang napakaraming panggatong. Ang hininga ng Panginoon na parang nagniningas na asupre ang magpapaningas ng mga panggatong.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.