1“Makinig kayo, mga lahi ni Jacob, kayong tinatawag na Israel, at nagmula sa lahi ni Juda. Sumusumpa kayo sa pangalan ng Panginoon at tumatawag sa Diyos ng Israel. Ngunit pakunwari lang pala, dahil hindi naman matuwid ang inyong pamumuhay.
2Sinasabi pa ninyong kayoʼy mga mamamayan ng banal na lungsod, at nagtitiwala kayo sa Diyos ng Israel, na ang pangalan ay Panginoon ng mga Hukbo.
3Sinabi ko na noon pa kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. At itoʼy aking isinakatuparan.
4Sapagkat alam ko kung gaano katigas ang inyong ulo. Ang inyong leeg ay kasintigas ng bakal at ang inyong noo ay kasintigas ng tanso.
5Kaya sinabi ko na agad sa inyo ang aking gagawin. Noong hindi pa ito nangyayari, sinabi ko na ito sa inyo upang hindi ninyo masabing ang inyong mga diyos-diyosan, mga imaheng gawa sa kahoy at bakal ang siyang nag-utos nito.
6Narinig ninyo ang aking mga propesiya at nakita ninyo ang katuparan ng mga ito, ngunit ayaw ninyong tanggapin na ako ang gumawa nito. “Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo ang mga bagong bagay na hindi ko pa ipinahayag sa inyo. Hindi pa ninyo ito alam.
7Ngayon ko pa lamang ito gagawin upang hindi ninyo masabing itoʼy alam na ninyo.
8Hindi ninyo napakinggan o naunawaan ang mga bagay na ito dahil mula pa noon nagbibingi-bingihan na kayo. Alam ko ang inyong kataksilan dahil mula pa noong kayoʼy isinilang mga rebelde na kayo.
9Alang-alang sa karangalan ko, pinigilan ko ang aking galit sa inyo alang-alang sa kapurihan ko, hindi ko muna ito itinuloy upang hindi kayo malipol.
10Lilinisin ko kayo ngunit hindi katulad ng paglilinis sa pilak, dahil lilinisin ko kayo sa pamamagitan ng paghihirap.
11Gagawin ko ito para sa aking karangalan. Hindi ako papayag na ako ay mapahiya at ang mga diyos-diyosan ay maparangalan.
12“Makinig kayo sa akin, kayong mga taga-Israel na aking pinili. Ako ang Diyos; ako ang pasimula at ang wakas ng lahat.
13Ang aking mga kamay ang naglagay ng pundasyon ng mundo at ako rin ang naglatag ng langit. Kapag nag-utos ako sa mga ito, silaʼy sumusunod.
14“Magtipon kayong lahat at makinig: Sino sa mga diyos-diyosan ang humulang lulusubin ng kaibigan ng Panginoon ang Babilonia para sundin ang ipinapagawa niya laban sa bansang iyon? Wala!
15Ako mismo ang nagsabi sa kanya at ako rin ang tumawag sa kanya. Dadalhin ko siya rito at siyaʼy magtatagumpay sa kanyang gagawin.
16“Lumapit kayo sa akin at pakinggan ito: Mula pa ng pasimula hindi ako nagsalita nang lihim. Sa panahon na mangyari ang sinabi ko, naroon ako.” At ngayon sinugo ako ng Makapangyarihang Panginoon at ng kanyang Espiritu dala ang mensaheng ito.
17Sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas, ang Banal na Diyos ng Israel: “Ako ang Panginoon na inyong Diyos na nagturo sa inyo kung ano ang mabuti para sa inyo at ako ang pumatnubay sa inyo sa tamang daan.
18Kung kayo lamang ay sumunod sa aking mga utos, dumaloy sana na parang ilog ang kapayapaan sa inyo, at magsunod-sunod ang inyong tagumpay na parang alon na dumarating sa dalampasigan.
19Ang inyo sanang mga lahi ay naging kasindami ng buhangin na hindi mabilang, at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”
20Lisanin ninyo ang Babilonia! Malaya na kayo sa inyong pagkakabihag. Buong galak ninyong ihayag sa buong mundo na iniligtas ng Panginoon ang kanyang lingkod, ang mga mamamayan ng Israel.
21Hindi sila nauhaw nang patnubayan sila ng Diyos sa ilang, dahil pinaagos niya ang tubig mula sa bato para sa kanila. Biniyak niya ang bato at umagos ang tubig.
22“Ngunit ang masasama ay hindi magkakaroon ng kapayapaan,” wika ng Panginoon.