Isaias 29

1Nakakaawa ang Jerusalem, ang lungsod kung saan nanirahan si David! Sige, hayaang ipagdiwang sa bawat taon ang kanyang mga pista.

2Ngunit lulusubin ko ito, at mag-iiyakan at mananaghoy ang kanyang mga mamamayan. Itoʼy magiging parang altar na puno ng dugo sa akin.

3Kukubkubin ko ang lungsod ng Jerusalem. Paliligiran ko ito ng toreng panalakay at patatambakan ng lupa sa gilid ng mga pader para maakyat ito.

4Ibabagsak ka nang tuluyan at sa ibabaw ng lupa ka magsasalita; sa alikabok magmumula ang iyong mga bulong. Ang tinig moʼy tila multong manggagaling sa kailaliman ng lupa, sa alikabok ang salita moʼy parang huni ng ibon.

5Ngunit darating ang araw na ang marami niyang malulupit na kaaway ay magiging parang alikabok o ipa na tatangayin ng hangin. Bigla itong mangyayari sa kanila.

6Ang Jerusalem ay aalalahanin ko, at ako ang Panginoon ng mga Hukbo, ay darating na may kulog, lindol, ingay, buhawi, bagyo, at nagliliyab na apoy.

7Ang maraming bansang kumakalaban sa Jerusalem, na sumasalakay sa kanya at gumigiba sa kanyang tanggulan ay mawawalang katulad ng isang panaginip o ng isang pangitain sa gabi.

8Katulad sila ng taong nanaginip na kumakain, ngunit nang magising ay gutom pa rin; katulad ng taong nanaginip na umiinom, ngunit nang magising ay uhaw pa rin. Ganoon ang sasapitin ng lahat ng mga bansang kumakalaban sa Zion.

9Magugulat kayo at mamamangha, magpakabulag at tuluyang hindi makakita. Malalasing kayo, ngunit hindi dahil sa ubas, at magsusuray-suray, ngunit hindi dahil sa alak.

10Sapagkat para kayong pinatulog ng Panginoon nang mahimbing. Ipinikit niya ang mata ng inyong mga propeta; tinakpan niya ang ulo ng inyong mga manghuhula.

11Para sa inyo, ang buong pangitaing ito ay parang mga salita ng isang kasulatang natatakan. Kapag ibinigay mo ito sa marunong bumasa para basahin, sasabihin niya, “Hindi ko iyan mabasa dahil iyan ay natatakan.”

12At kapag ibinigay mo naman ito sa hindi marunong bumasa, sasabihin niya, “Hindi ako marunong bumasa.”

13Sinabi ng Panginoon, “Sa salita lamang lumalapit sa akin ang mga taong ito, sa labi lamang ako iginagalang, ngunit ang kanilang mga pusoʼy malayo sa akin. Ang pagsamba nila sa akiʼy walang kabuluhan; pawang tuntunin ng tao ang kanilang katuruan.

14Kaya muli kong ipapamalas sa mga taong ito ang sunod-sunod na kababalaghan. At maglalaho ang karunungan ng marurunong, at mawawalang-saysay ang katalinuhan ng mga matatalino.”

15Nakakaawa kayong mga nagtatago sa Panginoon ng inyong mga plano. Ginagawa ninyo ang inyong mga gawain sa dilim at sinasabi ninyo, “Walang makakakita o makakaalam ng ginagawa natin.”

16Baluktot ang inyong pag-iisip. Itinuturing ninyong parang putik ang magpapalayok. Masasabi ba ng isang gawa sa gumawa sa kanya, “Hindi ikaw ang gumawa sa akin?” Masasabi ba ng palayok sa magpapalayok, “Hindi mo alam ang iyong ginagawa?”

17Hindi magtatagal, ang mga kagubatan ng Lebanon ay magiging matabang lupain, at ang matabang lupain ay magiging kagubatan.

18Sa araw na iyon, ang bingi ay makakarinig ng binabasang aklat. At ang bulag, na walang nakikita kundi kadiliman ay makakakita na.

19Muling sasaya ang mga mapagpakumbaba at mga dukha dahil sa Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel.

20Sapagkat mawawala ang mga malulupit at ang mga nangungutya. At mamamatay ang lahat ng mahilig sa pagkakasala,

21pati na ang lahat ng naninira ng kapwa, ang mga nagsisinungaling para mapaniwala nila ang mga hukom, at ang mga pekeng saksi upang hindi mabigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan.

22Kaya ang Panginoon, ang Diyos na nagligtas kay Abraham ay nagsabi tungkol sa lahi ni Jacob, “Mula ngayon ang bayang ito ay wala nang dapat ikahiya o ikatakot man.

23Sapagkat kapag nakita nila ang mga ginawa ko sa kanila, igagalang nila ako, ang Banal na Diyos ni Jacob. At magkakaroon sila ng takot sa Diyos ng Israel.

24Ang mga hindi nakakaunawa ng katotohanan ay makakaunawa na, at ang mga nagrereklamo kapag tinuturuan ay matutuwa na.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.