Isaias 21

1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Babilonia: Sasalakay ang mga kaaway na parang buhawi. Dadaan ito sa Negeb mula sa ilang, sa nakakapangilabot na lupain.

2Nakita ko ang isang kakila-kilabot na pangitain tungkol sa kataksilan at kapahamakan. Kayong mga taga-Elam at taga-Media, palibutan ninyo ang Babilonia at salakayin! Wawakasan na ng Diyos ang pagpapahirap niya sa ibang bansa.

3Dahil ditoʼy nakadama ako ng matinding kirot sa balakang, sumakit ang aking katawan tulad ng babaeng manganganak. Nalugmok ako sa aking narinig at nagulantang ako sa aking nakita.

4Kinakabahan ako at nanginginig sa takot. Sanaʼy makapagpahinga ako paglubog ng araw, ngunit hindi maaari, dahil takot ako sa maaaring mangyari.

5Naghahanda sila ng piging. Inilalatag ang mga alpombrang uupuan ng mga tao. Lahat silaʼy kumakain at umiinom. Dali! Tumindig kayo, mga pinuno ng hukbo; ihanda ang inyong mga kalasag!

6Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka at maglagay ng tagapagbantay sa lungsod na magbabalita ng makikita niya.

7Kapag nakakita siya ng mga karwaheng hila-hila ng magkapares na kabayo, at mga nakasakay sa asno o di kayaʼy nakasakay sa mga kamelyo, dapat siyaʼy handa, handang-handa.”

8Sumigaw ang bantay, “Panginoon, araw-gabiʼy nagbabantay po ako sa tore.

9At ngayon, tingnan ninyo! May taong dumarating na nakasakay sa karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo.” At sinabi pa ng bantay, “Bumagsak na! Bumagsak na ang Babilonia! Ang lahat ng imahen ng diyos-diyosan nito ay bumagsak at nagkabasag-basag sa lupa.”

10Mga kapwa kong mga Israelita, na parang mga trigong ginigiik, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na aking napakinggan mula sa Panginoon ng mga Hukbo, mula sa Diyos ng Israel.

11Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Edom: May taga-Edom na tumatawag sa akin, Tagapagbantay, malayo pa ba ang umaga? Kailan matatapos ang gabing ito?

12Sumagot ako, “Mag-uumaga na ngunit sasapit na naman ang gabi. Kung nais mong magtanong muli, bumalik ka para magtanong.”

13Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Arabia: Kayong mga mamamayan ng Dedan, na pulu-pulutong na naglalakbay at nagkakampo sa mga ilang ng Arabia,

14dalhan ninyo ng tubig ang mga nauuhaw. Kayong mga nakatira sa Tema, bigyan ninyo ng pagkain ang mga taong nagsitakas mula sa kani-kanilang mga lugar.

15Tumakas sila mula sa mahigpit na labanan at hinahabol sila ng kanilang mga kaaway na may mga espada at mga pana.

16Sinabi ng Panginoon sa akin, “Sa loob ng isang taon magwawakas ang kapangyarihan ng Kedar.

17Kakaunti ang matitira sa matatapang niyang sundalo na gumagamit ng pana.” Ito ang sinabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.