1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Babilonia: Sasalakay ang mga kaaway na parang buhawi. Dadaan ito sa Negeb mula sa ilang, sa nakakapangilabot na lupain.
2Nakita ko ang isang kakila-kilabot na pangitain tungkol sa kataksilan at kapahamakan. Kayong mga taga-Elam at taga-Media, palibutan ninyo ang Babilonia at salakayin! Wawakasan na ng Diyos ang pagpapahirap niya sa ibang bansa.
3Dahil ditoʼy nakadama ako ng matinding kirot sa balakang, sumakit ang aking katawan tulad ng babaeng manganganak. Nalugmok ako sa aking narinig at nagulantang ako sa aking nakita.