Isaias 22

1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Lambak ng Pangitain. Ano ang nangyayari? Bakit kayo umaakyat sa mga bubong?

2Nagkakagulo at nagsisigawan ang mga tao sa bayan. Ang mga namatay sa inyo ay hindi sa espada o digmaan namatay.

3Ang lahat ninyong pinuno ay nagsitakas at nahuli nang walang kalaban-laban. Ang ilan sa inyo ay nagtangkang tumakas, ngunit nahuli pa rin.

4Kaya sinabi ko, “Ibaling ninyo ang inyong paningin at hayaan ninyo akong umiyak. Huwag ninyo akong aliwin para sa aking mga kababayang namatay.”

5Sapagkat itinakda ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan ang araw na ito ng pagkakagulo, pagkakataranta at pagkatakot sa Lambak ng Pangitain. Ang mga pader nito ay nagbabagsakan at ang sigawan ng mga tao ay dinig hanggang sa kabundukan.

6Sumasalakay ang mga sundalo ng Elam na sakay ng mga kabayo at may mga pana. Ang mga sundalo ng Kir ay sumasalakay din na may mga hawak na kalasag.

7Ang mga sagana ninyong lambak ay puno ng mga karwahe, at ang mga mangangabayoʼy nakabantay sa mga pintuang-bayan.

8Tinanggal ng Panginoon ang mga depensa ng Juda at sa araw na iyon, kayo ay tumingin sa mga sandatang nasa Palasyo ng Gubat.

9Tiningnan ninyo ang mga pader ng Lungsod ni David para malaman ninyo kung nasaan ang mga sira nito. Nag-imbak kayo ng tubig sa imbakan sa ibaba.

10Binilang ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ang ilan para gamitin ang mga bato sa pag-aayos ng nagibang pader ng lungsod.

11Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at itoʼy pinuno ninyo ng tubig mula sa dating imbakan. Ngunit hindi ninyo naisip ang Diyos na siyang gumawa at nagplano nito noong una pa at niloob niyang mangyari ito.

12Nanawagan sa inyo ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan na kayoʼy magdalamhati, umiyak, magpakalbo at magsuot ng damit na panluksa.

13Sa halip, nagdiwang kayo at nagsaya. Nagkatay kayo ng mga baka at tupa, kumain ng karne at nag-inuman pa. Sabi ninyo, “Kumain tayoʼt uminom, sapagkat mamamatay rin lang naman tayo bukas.”

14Sinabi sa akin ng Panginoon ng mga Hukbo na hindi niya kayo patatawarin sa kasalanang ito habang kayoʼy nabubuhay.

15Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa akin: “Puntahan mo si Shebna ang katiwalang nangangasiwa sa palasyo at sabihin sa kanya:

16Sino ka ba sa akala mo, at ano ang ginagawa mo rito, gumagawa ng iyong libingan sa gilid ng bundok, at umuukit ng iyong himlayan sa malaking bato?

17“Mag-ingat ka! Kahit na ikaw ay makapangyarihan, huhulihin at itatapon ka ng Panginoon.

18Igugulong ka niyang parang isang bola, at ihahagis sa malawak na lupain. Doon ka mamamatay, kasama ng mga magagarang karwaheng ipinagmamalaki mo, at sa iyong panginoon, ikaʼy magiging kahihiyan.

19Paaalisin kita sa iyong katungkulan, tatanggalin kita sa iyong kinalalagyan.

20“Sa araw na iyon, tatawagin ko ang lingkod kong si Eliakim na anak ni Hilkias.

21Ipapasuot ko sa kanya ang damit mong pang-opisyal pati ang iyong sinturon, at ibibigay ko sa kanya ang kapangyarihan mo. Siya ang magiging ama ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda.

22Ibibigay ko sa kanya ang susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pintuan, walang makapagsasara nito, at kapag isinara niya, walang makapagbubukas nito.

23Itatatag ko siyang tulad ng pakong sabitan na matatag ang pagkabaon sa pader, at siyaʼy magbibigay karangalan sa kanyang pamilya.

24Isasalalay sa kanya ang karangalan ng kanyang buong pamilya: lahat ng mga supling at sanga nito. Sa sabitang ito nakabitin ang mga sisidlan, mula sa mga maliliit na tasa, sa mga mangkok hanggang sa mga garapon.

25“Sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo, “mahuhulog siya at mawawasak ang lahat ng nakasabit sa kanya.” Ang Panginoon ang nagsasabi nito.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.