1“Lumapit kayo, kayong lahat na nauuhaw, lumapit kayo sa tubig! Kahit wala kayong pera, lumapit kayo at kumain! Halikayo, kumuha kayo ng inumin at gatas ng walang bayad!
2Bakit ninyo ginugugol ang inyong mga salapi sa mga bagay na hindi makakain? Bakit nʼyo inuubos ang inyong suweldo sa mga bagay na hindi makakapagpabusog sa inyo? Makinig kayo sa akin at makakakain kayo ng mga masasarap na pagkain, at talagang mabubusog kayo.
3Lumapit kayo sa akin at kayoʼy makinig upang inyong matagpuan ang buhay. Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa inyo. Ipapadama ko sa inyo ang pag-ibig koʼt awa na aking ipinangako kay David.
4Gagamitin ko siya upang ipakita ang aking kapangyarihan sa mga bansa. Gagawin ko siyang pinuno nila.
5Tatawagin ninyo ang mga bansang hindi ninyo kasama, at magmamadali silang lalapit sa inyo, dahil ako, ang Panginoon na inyong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel, ang nagbigay sa inyo ng karangalan.”
6Lumapit na kayo sa Panginoon at tumawag sa kanya habang naririyan pa siya para tulungan kayo.
7Talikuran na ng mga taong masama ang masasama nilang ugali at baguhin na ang masasama nilang pag-iisip. Magbalik-loob na sila sa Panginoon na ating Diyos, dahil kaaawaan at patatawarin niya sila.
8Sinabi ng Panginoon, “Ang aking kaisipan ay hindi katulad ng inyong kaisipan, at aking kapamaraanan ay hindi katulad ng inyong kapamaraanan, pahayag ng Panginoon.”
9“Kung gaano kalayo ang langit sa lupa, ganoon din kalayo ang aking pamamaraan at pag-iisip kaysa sa inyo.
10Kung paanong ang ulan at nyebe ay nagmumula sa itaas, at hindi bumabalik doon hanggaʼt hindi muna nakapagbibigay ng tubig sa lupa at nakapagpapalago ng mga halaman upang makapagbigay ng binhi at pagkain sa nagtatanim at sa mga tao.
11Ganyan din ang aking mga salita, hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Isasakatuparan nito ang aking ninanais, at isasagawa ang aking layunin kung bakit ko ito ipinadala.
12Kayo ay hahayo nang masaya mula sa Babilonia at mapayapang papatnubayan ng Diyos. Ang mga bundok at mga burol ay parang mga taong aawit sa tuwa. At ang lahat ng mga puno ay parang mga taong magpapalakpakan.
13Tutubo na ang mga puno ng sipres at mirto sa dating tinutubuan ng matitinik na halaman. Ang mga pangyayaring itoʼy magbibigay ng karangalan sa Panginoon. Magiging tanda ito ng kanyang kapangyarihan magpakailanman.”