1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Damasco: “Makinig kayo! Ang Damasco ay hindi na magiging lungsod dahil magigiba ito.
2Wala nang titira sa lungsod ng Aroer. Magiging pastulan na lamang ito ng mga kawan ng hayop, at walang gagambala sa kanila roon.
3Mawawasak ang mga tanggulang lungsod ng Israel, at mawawala ang kapangyarihan ng Damasco. Ang sasapitin ng mga matitira sa Aram ay katulad ng sinapit ng mga taga-Israel. Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ang nagsasabi nito.
4“Pagdating ng araw na iyon, mawawala na ang kapangyarihan ng Israel, at ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan.
5Matutulad siya sa taniman ng mga butil na ginapas na ng mga nag-aani, tulad ng taniman sa Lambak ng Refaim pagkatapos ng anihan.
6Iilan lamang ang matitira sa kanyang mga mamamayan. Matutulad siya sa puno ng olibo pagkatapos pitasin ang mga bunga nito. Maaaring dalawa o tatlo lamang ang bungang matitira sa pinakamataas na mga sanga, at apat o limang bunga sa ibang mga sanga. Ako, ang Panginoong Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito.”
7Sa araw na iyon, lalapit na ang mga tao sa kanilang Manlilikha, at titingin sa Banal na Diyos ng Israel.
8Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila mismo ang gumawa. Hindi na rin nila papansinin ang mga posteng imahen ni Ashera, pati ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso na gawa rin lang ng kanilang mga kamay.
9Sa araw na iyon, ang matitibay nilang lungsod ay magiging katulad ng mga napabayaang lugar ng mga Amoreo at Heveo. Ang mga lugar na itoʼy nilayasan ng mga nakatira rito dahil sa pagdating ng mga Israelita. At ang buong lupain ay iiwang nakatiwangwang.
10Kinalimutan ninyo ang Diyos na inyong Tagapagligtas at hindi inalala ang inyong Batong kanlungan. Kaya kahit na magtanim kayo ng magagandang klase ng tanim, katulad ng mga inangkat na ubas,
11at kahit na tumubo ang mga ito at mamulaklak sa araw din na inyong itinanim, wala kayong makukuhang bunga. Ang aanihin ninyoʼy sakit at paghihirap na walang lunas.
12Tingnan ninyo! Nagkakagulo ang napakaraming tao mula sa mga bansa. Ang ingay nila ay parang ugong ng malalaking alon.
13Bagamaʼt katulad sila ng ugong ng malalaking alon, patatahimikin sila ng Diyos at silaʼy tatakas palayo. Silaʼy tatakas tulad ng ipa na ikinalat ng hangin, tulad ng dayaming tinatangay ng ipuipo.
14Sa gabiʼy naghahasik sila ng lagim! Ngunit bago mag-umaga sila ay wala na. Iyan ang mangyayari sa mga sumasalakay sa atin at sumasamsam ng mga ari-arian natin.