Isaias 38

1Nang panahong iyon, nagkasakit si Ezequias na halos ikamatay niya. Pumunta sa kanya si Propeta Isaias na anak ni Amoz at sinabi, “Sinabi ng Panginoon na magbilin ka na sa sambahayan mo dahil hindi ka na gagaling, mamamatay ka na.”

2Nang marinig ito ni Ezequias, humarap siya sa dingding at nanalangin sa Panginoon.

3Sinabi niya, “Panginoon, alalahanin po ninyo kung papaano ako namuhay nang tapat at buong pusong naglingkod sa inyo at kung papaano ako gumawa ng mabuti sa paningin ninyo.” At umiyak si Ezequias ng husto.

4Sinabi ng Panginoon kay Isaias

5na bumalik siya kay Ezequias at sabihin ito: “Sinabi ng Panginoon, ang Diyos ng iyong ninunong si David: Narinig ko ang iyong dalangin at nakita ko ang mga luha mo. Dadagdagan ko pa ng labinlimang taon ang buhay mo.

6Ililigtas kita pati ang lungsod na ito sa hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lungsod na ito.

7Ito ang tanda na ibibigay ng Panginoon upang patunayang gagawin niya ang kanyang ipinangako:

8Pababalikin ko ng sampung guhit ang anino ng araw sa orasang ipinagawa ni Ahaz.” At nangyari nga ito.

9Ito ang isinulat ni Haring Ezequias ng Juda nang gumaling siya sa kanyang sakit:

10Akala koʼy mamamatay na ako sa panahon ng aking kabataan, at mananatili sa lugar ng mga patay.

11Akala koʼy hindi ko na makikita ang Panginoon dito sa mundo ng mga buháy o hindi ko na makikita ang mga tao rito sa mundo.

12Tulad ng tolda ng pastol, ang aking tirahan ay tinanggal sa kinalalagyan at kinuha sa akin. Tulad ng manghahabing iginulong na ang tela, para ko na ring tinapos ang buhay ko, at para rin akong nakabiting sinulid na pinutol mo sa habihan. Araw at gabiʼy winawakasan mo ang aking buhay.

13Buong pagpapakumbaba akong naghintay hanggang umaga sa pag-aakalang akoʼy mamamatay na. Parang nilalansag ng leon ang aking mga buto kaya akala koʼy wawakasan mo na ang buhay ko.

14Humingi ako ng tulong hanggang sa ang tinig koʼy para nang huni ng langay-langayan o ng tagak. Dumaing ako na parang tinig na ng kalapati. Ang mga mata koʼy pagod na rin ng katititig sa itaas. Panginoon, tulungan nʼyo po ako sa kahirapang ito.

15Ngunit ano pa ang masasabi ko? Sapagkat sinagot niya ako at pinagaling. Mamumuhay ako nang may kababaan dahil sa mapait kong karanasan.

16Panginoon, sa ginawa nʼyo pong ito, mapapalakas nʼyo ang loob ng tao, at ako mismo napalakas ninyo. Pinagaling nʼyo ako at pinayagan pang mabuhay.

17Totoong ang mga kahirapang aking tiniis ay para rin sa aking kabutihan. Dahil sa pag-ibig nʼyo, iniligtas nʼyo ako mula sa kapahamakan at ang aking mga kasalanan ay inyong tinalikuran.

18Sapagkat papaano pa akong makakapagpuri sa inyo kung akoʼy patay na? Ang mga patay ay hindi makakapagpuri sa inyo o makakaasa man sa inyong katapatan.

19Ang mga buháy lamang ang makakapuri sa inyo katulad ng ginagawa ko ngayon. Ang bawat henerasyon ay magpapahayag sa susunod na henerasyon tungkol sa inyong katapatan.

20Panginoon, iniligtas nʼyo po ako, kaya aawit kami sa saliw ng kuwerdas, sa inyong Templo habang kami ay nabubuhay.

21Noong hindi pa gumagaling si Ezequias, sinabi sa kanya ni Isaias na patapalan niya sa kanyang mga katulong ng dinikdik na bunga ng igos ang bukol niya upang gumaling ito.

22Nagtanong si Ezequias, “Ano ang palatandaan na magpapatunay na ako ngaʼy gagaling at makakapunta sa Templo ng Panginoon?”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.