1May isang hari na mamumuno nang matuwid, at ang kanyang mga opisyal ay mamamahala nang may katarungan.
2Ang bawat isa sa kanilaʼy magiging kanlungan sa malakas na hangin at bagyo. Katulad sila ng ilog na dumadaloy sa disyerto, o kayaʼy anino ng malaking bato na lumililim sa tuyong lupain.
3Ang mga mata ng mga may paningin ay makakakita na nang tuluyan, at ang mga tainga ng mga may pandinig ay makakarinig na nang mabuti.
4Ang taong pabigla-bigla ay mag-iisip nang mabuti para malaman niya ang kanyang gagawin. Ang taong hindi alam kung ano ang sasabihin ay makakapagsalita nang mabuti at malinaw.
5Ang mga hangal ay hindi na dadakilain, at ang mga mandaraya ay hindi na igagalang.
6Sapagkat kahangalan ang sinasabi ng hangal, at ang masama niyang isipan ay nagbabalak na gumawa ng mga kasamaan. Nilalapastangan niya ang Panginoon, at pinagkakaitan ang mga nagugutom at nauuhaw.
7Masama ang pamamaraan ng mandaraya. Ipinapahamak niya ang mga dukha sa pamamagitan ng kanyang kasinungalingan, kahit na sa panahon ng paghingi ng mga ito ng katarungan.
8Ngunit ang taong marangal ay may hangarin na palaging gumawa ng mabuti, at itoʼy kanyang tinutupad.
9Kayong mga babaeng kampante, bumangon kayo at pakinggan ninyo ako! Kayong mga dalagang labis ang tiwala sa sarili, makinig kayo sa sasabihin ko!
10Makalipas ang isang taon, mababagabag kayong mga may tiwala sa sarili dahil hindi na mamumunga ang mga ubas at wala na kayong mapipitas.
11Matagal na kayong pabaya at walang pakialam. Ngayon manginig na kayo sa takot. Hubarin ninyo ang inyong mga damit at magbigkis ng sako sa inyong baywang.
12Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan dahil sa mangyayari sa inyong masaganang bukirin at mabungang ubasan.
13Ang lupain ng aking mga mamamayan ay tutubuan ng mga damo at matitinik na halaman, iyakan ninyo ang dating masayang tahanan at sa lungsod na datiʼy puno ng galak.
14Ang mataong lungsod at ang mga tanggulan ay hindi na titirhan. Ang burol at ang bantayang tore nito ay magiging parang ilang magpakailanman. Itoʼy magiging tirahan ng mga maiilap na asno at pastulan ng kawan ng tupa.
15Mangyayari ito hanggang sa ipadala sa atin ang Espiritu mula sa langit. Kung magkagayon, ang ilang ay magiging matabang lupain at ang matabang lupain ay magiging kagubatan.
16Lalaganap ang katarungan at katuwiran sa ilang at matabang lupain.
17At ang bunga ng katuwiran ay ang mabuting kalagayan, kapayapaan, at kapanatagan magpakailanman.
18Kayong mga mamamayan ng Diyos ay titira sa mapayapang tahanan at ligtas sa kapahamakan. At wala nang gagambala sa inyo.
19Kahit masisira ang kagubatan at ang lungsod dahil umuulan ng yelo na parang bato,
20pagpapalain kayo ng Diyos. Magiging masagana ang tubig para sa mga pananim, at ang inyong mga baka at asno ay malayang manginginain kahit saan.