1Makinig kayo sa akin, kayong mga nasa isla, dinggin ninyo ito, kayong mga nasa malalayong lupain: Hindi pa man ako isinisilang, hinirang na ako ng Panginoon mula sa sinapupunan ng aking ina, akoʼy tinawag niya.
2Ginawa niyang kasintalim ng espada ang mga salita ko. Iningatan niya ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ginawa niya akong parang makinang na pana na handa nang itudla.
3Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko. Sa pamamagitan mo, pararangalan ako ng mga tao.”
4Ngunit sinabi ko, “Ang paghihirap koʼy nauwi sa wala; nasayang ang lakas ko at walang kinahinatnan. Ngunit ipinaubaya ko ito sa Panginoon na aking Diyos. Siya ang magbibigay ng gantimpala sa aking mga gawa.”
5Ang Panginoon ang nagsasabi, siya na lumikha sa akin sa sinapupunan ng aking ina, ang pumili sa akin na maging lingkod niya, para pabalikin sa kanya at tipunin ang mga Israelita. Pinarangalan ako ng Panginoon na aking Diyos at binigyan niya ako ng lakas.
6Sinabi niya, “Ikaw na lingkod ko, marami pang mga gawain ang ipapagawa ko sa iyo, maliban sa pagpapabalik sa mga tribo ng Israel na aking kinakalinga. Gagawin pa kitang ilaw ng mga bansa upang maligtas ang buong mundo.”
7Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Tagapagligtas at Banal na Diyos ng Israel, sa taong hinahamak at kinasusuklaman ng mga bansa at sa lingkod ng mga pinuno: “Makikita ng mga hari kung sino kang talaga at tatayo sila para magbigay-galang sa iyo. Ang mga pinuno ay yuyuko sa iyo dahil tapat ang Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel na pumili sa iyo.”
8Ito ang sinabi ng Panginoon, “Sa tamang panahon ay tutugunin kita, sa araw ng pagliligtas ay tutulungan kita. Iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Muli mong itatayo ang lupain ng Israel na nawasak, at muli mo itong ibibigay sa aking mga mamamayan.
9Sasabihin mo sa mga Israelitang binihag, ‘Lumabas kayo!’ at sa mga piniit sa kadiliman, ‘Malaya na kayo!’ “Matutulad sila sa mga tupang nanginginain sa tabi ng mga daan at mga burol.
10Hindi sila magugutom o mauuhaw. Hindi sila maiinitan ng matinding init ng araw o ng mainit na hangin sa ilang. Sapagkat akong nagmamalasakit sa kanila ay magpapatnubay sa kanila sa mga bukal.
11Gagawin kong daanan ang aking mga bundok na kanilang dadaanan. Ang mga lugar na matataas ay magiging pangunahing daan.
12Darating ang aking mga mamamayan mula sa malayo. Manggagaling ang iba sa hilaga, ang iba namaʼy sa kanluran, at ang ibaʼy galing pa sa Sinim.”
13Umawit ka sa tuwa, O langit. At magalak ka, O mundo! Umawit kayo, kayong mga bundok. Sapagkat kaaawaan at aaliwin ng Panginoon ang kanyang mga mamamayang nahihirapan.
14Ngunit sinabi ng Zion, “Pinabayaan ako ng Panginoon; kinalimutan na niya ako.”
15“Makakalimutan ba ng isang ina ang sanggol na kanyang pinasuso? Hindi ba niya pagmamalasakitan ang anak na galing sa kanyang sinapupunan? Bagamaʼt makakalimutan niya, hindi kita makakalimutan!
16Tingnan ninyo! Iniukit ko ang pangalan mo sa aking mga palad. Palagi kong iniisip ang iyong mga nasirang pader.
17Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo, at ang mga nagwasak sa iyo ay paaalisin na.
18Tingnan mo ang iyong paligid; nagtitipon na ang iyong mga mamamayan para umuwi sa iyo. At bilang buháy na Panginoon, sumusumpa akong ipagmamalaki mo sila katulad ng pagmamalaki ng nobyang ikakasal sa mga alahas na kanyang suot-suot.
19“Nawasak ka at pinabayaang giba, ngunit ngayon ay titirhan ka na ng iyong mga mamamayan. Hindi na sila halos magkakasya sa iyo. At ang mga nagwasak sa iyo ay lalayo na.
20Sasabihin ng mga anak mong isinilang sa panahon ng iyong pagdadalamhati, ‘Ang lugar na itoʼy napakaliit para sa amin. Kailangan namin ng mas malaking lugar.’
21At sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Sino ang nagluwal ng mga ito para sa akin? Namatay ang karamihan ng aking mga anak, at dahil doon akoʼy nagluksa. Ang iba sa kanila ay binihag at dinala sa ibang bansa, at nag-iisa na lamang ako. Kaya saan galing ang mga ito? Sino ang nag-alaga sa kanila?’ ”
22Ito ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Sesenyasan ko ang mga bansa, itataas ko ang aking bandila at ibabalik nila sa iyo ang iyong mga anak na parang mga sanggol na kanilang kinalinga.
23Maglilingkod sa iyo ang mga hari at mga reyna. Sila ang mag-aalaga sa iyo. Luluhod sila sa iyo bilang paggalang, at magpapasakop sa iyo. Sa ganoon malalaman mong ako ang Panginoon, at ang mga nagtitiwala sa akin ay hindi mabibigo.”
24Mababawi mo pa ba ang mga sinamsam ng mga sundalong malulupit? Maililigtas pa ba ang mga binihag nila?
25Ngunit ito ang sagot ng Panginoon, “Oo, maililigtas mo pa ang mga binihag ng mga sundalong malulupit at mababawi mo pa ang mga sinamsam nila. Sapagkat lalabanan ko ang mga lumalaban sa iyo at ililigtas ko ang iyong mga anak.
26Ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang sarili nilang katawan, at silaʼy magiging parang mga lasing sa sarili nilang dugo. Dahil dito, malalaman ng lahat na ako, ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ay ang Diyos na Makapangyarihan ni Jacob.”