2Ginawa niyang kasintalim ng espada ang mga salita ko. Iningatan niya ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ginawa niya akong parang makinang na pana na handa nang itudla.
3Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko. Sa pamamagitan mo, pararangalan ako ng mga tao.”
4Ngunit sinabi ko, “Ang paghihirap koʼy nauwi sa wala; nasayang ang lakas ko at walang kinahinatnan. Ngunit ipinaubaya ko ito sa Panginoon na aking Diyos. Siya ang magbibigay ng gantimpala sa aking mga gawa.”
5Ang Panginoon ang nagsasabi, siya na lumikha sa akin sa sinapupunan ng aking ina, ang pumili sa akin na maging lingkod niya, para pabalikin sa kanya at tipunin ang mga Israelita. Pinarangalan ako ng Panginoon na aking Diyos at binigyan niya ako ng lakas.
6Sinabi niya, “Ikaw na lingkod ko, marami pang mga gawain ang ipapagawa ko sa iyo, maliban sa pagpapabalik sa mga tribo ng Israel na aking kinakalinga. Gagawin pa kitang ilaw ng mga bansa upang maligtas ang buong mundo.”