1Makinig kayo sa akin, kayong mga nasa isla, dinggin ninyo ito, kayong mga nasa malalayong lupain: Hindi pa man ako isinisilang, hinirang na ako ng Panginoon mula sa sinapupunan ng aking ina, akoʼy tinawag niya.
2Ginawa niyang kasintalim ng espada ang mga salita ko. Iningatan niya ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ginawa niya akong parang makinang na pana na handa nang itudla.
3Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko. Sa pamamagitan mo, pararangalan ako ng mga tao.”
4Ngunit sinabi ko, “Ang paghihirap koʼy nauwi sa wala; nasayang ang lakas ko at walang kinahinatnan. Ngunit ipinaubaya ko ito sa Panginoon na aking Diyos. Siya ang magbibigay ng gantimpala sa aking mga gawa.”