Isaias 50

1Ito ang sinabi ng Panginoon, “Ang Jerusalem baʼy itinakwil ko gaya ng lalaking humiwalay sa kanyang asawa? Patunayan ninyo! Ipinabihag ko na ba kayo tulad ng isang taong ipinagbili bilang alipin ang kanyang mga anak sa pinagkakautangan niya, upang ipambayad sa utang? Hindi! Kayo ay ipinagbili dahil sa inyong mga kasalanan. Itinakwil ang Jerusalem dahil sa inyong mga pagsuway.

2Bakit hindi ninyo ako pinansin noong dumating ako? Bakit hindi kayo sumagot noong tinawag ko kayo? Hindi ko ba kayo kayang iligtas? Kaya ko ngang patuyuin ang dagat sa isang salita lang. At kaya kong gawing disyerto ang ilog para mamatay ang mga isda roon.

3At kaya ko ring padilimin na kasing-itim ng damit na panluksa ang langit.”

4Tinuruan ako ng Makapangyarihang Panginoon kung ano ang sasabihin ko para mapalakas ang mga nanlulupaypay. Ginigising niya ako tuwing umaga upang pakinggan ang mga itinuturo niya sa akin.

5Nagsalita sa akin ang Makapangyarihang Panginoon at akoʼy nakinig. Hindi ako sumuway o tumakas man sa kanya.

6Iniumang ko ang aking likod sa mga bumugbog sa akin, at ang aking mukha sa mga bumunot ng aking balbas. Pinabayaan ko silang hiyain ako at duraan ang aking mukha.

7Ngunit hindi ako nakadama ng hiya, dahil tinulungan ako ng Makapangyarihang Panginoon. Kaya nagmatigas ako na parang batong buháy dahil alam kong hindi ako mapapahiya.

8Malapit sa akin ang Diyos na nagsasabing wala akong kasalanan. Sino ang maghahabla sa akin? Lumabas siya at harapin ako!

9Makinig kayo! Ang Makapangyarihang Panginoon ang tutulong sa akin. Sino ang makapagsasabing nagkasala ako? Matutulad sila sa damit na mabubulok at ngangatngatin ng mga kulisap.

10Sino sa inyo ang may takot sa Panginoon at sumusunod sa mga itinuturo ng kanyang lingkod? Kinakailangang magtiwala siya sa Panginoon niyang Diyos kahit sa daang madilim at walang liwanag.

11Ngunit mag-ingat kayo, kayong mga nagbabalak na ipahamak ang iba, kayo rin ang mapapahamak sa sarili ninyong mga pakana! Mismong ang Panginoon ang magpaparusa sa inyo, at kayoʼy mamamatay sa matinding parusa.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.