17Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo, at ang mga nagwasak sa iyo ay paaalisin na.
18Tingnan mo ang iyong paligid; nagtitipon na ang iyong mga mamamayan para umuwi sa iyo. At bilang buháy na Panginoon, sumusumpa akong ipagmamalaki mo sila katulad ng pagmamalaki ng nobyang ikakasal sa mga alahas na kanyang suot-suot.
19“Nawasak ka at pinabayaang giba, ngunit ngayon ay titirhan ka na ng iyong mga mamamayan. Hindi na sila halos magkakasya sa iyo. At ang mga nagwasak sa iyo ay lalayo na.
20Sasabihin ng mga anak mong isinilang sa panahon ng iyong pagdadalamhati, ‘Ang lugar na itoʼy napakaliit para sa amin. Kailangan namin ng mas malaking lugar.’
21At sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Sino ang nagluwal ng mga ito para sa akin? Namatay ang karamihan ng aking mga anak, at dahil doon akoʼy nagluksa. Ang iba sa kanila ay binihag at dinala sa ibang bansa, at nag-iisa na lamang ako. Kaya saan galing ang mga ito? Sino ang nag-alaga sa kanila?’ ”