7Pinapasan nila ito sa kanilang balikat at inilalagay sa kanyang lalagyan at nananatili ito roon dahil hindi naman ito makakakilos. Kung may mananalangin sa kanya, hindi siya makakasagot at hindi makakatulong sa panahon ng kaguluhan.
8Kayong mga rebelde, tandaan ninyo ito, at itanim sa inyong mga isip.
9Alalahanin ninyo ang aking mga ginawa noong unang panahon. Ako lang ang Diyos, at wala nang iba pang katulad ko.
10Sa simula pa lang, sinabi ko na ang mga mangyayari sa hinaharap. Ang aking mga inihayag ay magaganap, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.
11Mula sa silangan, tatawag ako ng isang tao, at darating siyang tulad ng ibong mandaragit mula sa malayong lugar. Ang mga sinabi koʼy aking tutuparin. Ang mga balak koʼy aking gagawin.