4Lalago sila na parang halaman na dinidiligan ng masaganang tubig o mga puno nasa tabi ng ilog.
5May mga magsasabi, ‘Ako ay sa Panginoon.’ At mayroon ding magsasabi, ‘Akoʼy lahi ni Jacob.’ Mayroon ding mga maglalagay ng tatak sa kanilang kamay ng pangalan ng Panginoon, at ituturing ang kanilang sarili na kabilang sa mga mamamayan ng Israel.
6“Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Panginoon ng mga Hukbo: Ako ang simula at wakas ng lahat. Maliban sa akin ay wala nang iba pang Diyos.
7Sino ang kagaya ko? Sabihin niya sa aking harapan kung ano ang mga nangyari mula nang itayo ko na maging isang bansa ang aking mga mamamayan noong unang panahon. At sabihin din niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap.
8Huwag kayong matakot o kabahan man. Hindi baʼt ipinaalam ko na sa inyo noong una pa ang layunin ko sa inyo? Kayo ang aking mga saksi. Mayroon pa bang ibang Diyos maliban sa akin? Wala! Wala na akong alam na iba pang Batong kanlungan maliban sa akin.”