9Makinig kayo! Darating na ang araw ng paghatol ng Panginoon, ang araw ng kalupitan at matinding galit. Wawasakin ang lupain hanggang sa hindi na matirhan, at ang mga makasalanang naroon ay lilipulin.
10Ang mga bituin at mga konstelasyon nila sa kalangitan ay hindi na magniningning. Ang sumisikat na araw ay magdidilim at ang buwan ay hindi na magbibigay ng liwanag.
11Parurusahan ko ang mundo dahil sa kasamaan nito, at ang mga masasama dahil sa kanilang kasalanan. Wawakasan ko ang pagiging hambog ng mga mayayabang. Tatapakan ko ang angas ng mga taong malulupit.
12Gagawin kong mas kakaunti ang tao kaysa sa purong ginto, mas madalang pa kaysa sa ginto ng Ofir.
13Kayaʼt yayanigin ko ang langit at mauuga ang lupa sa kinalalagyan nito. Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo ay gagawin ito sa araw na aking ipapakita ang matindi kong galit.